Ready ako kay Mayweather - Pacman
PINATUNAYAN ng ating People’s Champ na si Saranggani Rep. Manny Pacquiao na hindi imposibleng talunin ng isang nakatatandang boksingero ang higit na nakababata at matangkad na kalaban. Marami kasi ang nagdududa na kayang itaob ni Pacquiao ang isang kalaban na wala pang talo bukod pa sa mas bata at mas matangkad.
Ako mismo ay medyo dudang mananalo ang ating kampeon nung una. Pero marubdob akong nanalangin na bigyan siya ng Diyos ng tagumpay na inaasam ng bawat Pilipino. Ngunit kasama sa panalangin ko na magretiro na sana siya dahil may edad na rin at nakatikim na ng kanyang talo. Wika nga, masarap ang nagreretiro nang walang talo sa ano mang larangan ng buhay.
Tuwang-tuwa tayong lahat sa panalo ng ating pambansang kamao laban sa mas batang Amerikanong boxer na si Cris Algieri na anim na beses sumadsad sa lona sa buong 12-round na pakikihamok kay Pacquiao. Gayunman, bigo si Pacquiao sa inaasam niyang knockout victory. Pero impressive pa rin ang performance ni Pacquiao para sa akin at sa maraming kababayan natin.
Ngunit gaya nang nasabi ko, how I wish na isabit na niya ang kanyang mga gloves para tanghaling “undefeated” champion. Huwag nang hintayin pa ang panahong mababalda siya kagaya ng nangyari sa dating hinahangaang si Muhamad Ali. Pero tila determinado pa si Pacquiao na harapin ang mas malaking hamon gaya nang dream fight ng mga bo-xing aficionado na pakikipaglaban niya kay Floyd Mayweather.
Matapos ang laban kay Algieri, tinanong siya ng isang reporter tungkol dito at ang walang gatol na sagot niya ay “I am ready for Mayweather next year.”
Sabagay, ito ay isang laban na marami ang nagaabang. Pero sa ganang akin, mas gugustuhin ko na magretiro na si Pacquiao at mag-enjoy sa tinatamasa niyang karangalan bilang isang world’s undefeated boxer. Sa dami ng bilyones na kinita niya sa boxing, hindi na niya kayang ubusin ito at puwede pang ipamana sa kanyang magiging anak at apo. Iyan naman ay kung hindi pag-iinteresan ng Bureau of Internal Revenue.
- Latest