^

PSN Opinyon

‘Gulpi ng Lolang Arabo’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KARANIWAN hindi mo masyadong pinahahalagahan ang mga bagay na mura mo lang nabili, kadalasan matapos mong pagsawaan itinatambak lang ito at ginagawa ng basahan.

Sinabunutan, sinisigawan at pinagbibintangan ng kung anu-anong bagay. Ganito raw ang pinagdadaanan ng kababayan nating OFW na Domestic Helper (DH) sa Dubai na si Milagros o Mila, 34 na taong gulang.

Kwento ng asawa niyang si Eduardo Bas o mas kilala sa tawag na Bong nang magpunta siya sa aming tanggapan, inirekomenda si Mila ng nakababata nitong kapatid na si Goan.

 “Magkakasama raw sila sa isang amo. Paulit-ulit naming tinanong kung mabait ba ang amo niya. Kung maayos ba makitungo, sabi ni Goan oo raw,” pahayag ni Bong.

Nung simula ayaw ni Bong na umalis si Mila ngunit kalaunan napapayag din dahil nagtiwala siya sa kapatid nito.

Nagpadala ng visa ang employer sa Dubai at nakipag-ugnayan sila sa Dolma International Placement Corporation. Nagbayad daw si Mila sa ahensiya dahil malapit ng mapaso ang visa na pinadala.

Inayos nila lahat ng dokumentong kailangan sa pag-alis ng asawa.

“Nagpaalam siya sa sambahan namin na magtatrabaho siya sa Dubai. Sabi ng Pastor hindi raw sila pumapayag na magpunta sa Middle East ang miyembro ng relihiyon namin,” wika ni Bong.

Nagdalawang isip na si Mila kaya’t umuwi siya ng Ifugao upang magpaalam sa kanyang ina na hindi na siya tutuloy. Maging sa kapatid nitong si Goan ay ipinaalam niya ang naging desisyon.

Ika-19 ng Hunyo 2014 tumawag si Goan sa kanila. Sinabi na raw nito sa amo na hindi na pupunta ng Dubai ang kapatid. Lahat umano ng nagastos nito ay pinapabayaran kay Goan. Tinakot pa raw ito na ipapakulong kapag hindi sinunod ang napag-usapan.

“Ate parang awa mo na, tumuloy ka. Ayokong makulong dito,” pagmamakaawa ni Goan.

Sa takot na totohanin ng employer ang banta tumuloy si Mila.

Pagdating sa Dubai kinuha ng employer ang passport at ang dala nitong cellphone kaya’t hindi siya kaagad nakatawag kay Bong.   

“Yung isang cellphone na dala niya itinago ng asawa ko. Pinagtiyagaan niya na lang yung luma at medyo sira,” pahayag ni Bong.

Sa simula maganda naman daw ang naging pagtrato ng kanilang amo at magkasama pa silang magkapatid sa iisang bahay. Nang sumuweldo si Mila nagpadala ang amo nito ng Php10, 800.

“Dapat hindi siya sasahod pero sinabi niya na nagkasakit ako kaya kailangan ng pera,” wika ni Bong.

Inilipat na din si Mila sa ina ng employer nito. Matapos ang Ramadan dun na nagsimula umano ang paghihirap ng magkapatid.

Kapag may maling nagagawa ang asawa niya binubugbog na daw ito. Sinasampal at sinasakal umano siya kaagad ng amo.

Nakakapagsumbong lang sa pamilya si Mila dahil nilolodan ito ni Bong para makapag-text. Nung simula binilinan silang huwag sabihin kahit kanino ang kanilang problema ngunit nang hindi na makaya ang pagtrato sa kanya dun na sila humingi ng tulong.

Kwento raw sa kanya ni Mila nang sumapit ang Eid al-Adha (Feast of the Sacrifice) umalis ang pamilya ng kanilang amo. Pinuntahan ni Mila ang kapatid at dun niya nalaman na dalawang araw na itong inaapoy ng lagnat.

“Sabi niya talagang mga demonyo raw yung amo nila. Kahit may sakit ang kapatid pinagtatrabaho pa. Gusto sana nila tumakas pero pinigilan ko. Sabi ko hihingi kami ng tulong para matulungan sila dahil baka makasuhan lang sila kapag bigla silang umalis,” ayon kay Bong.

Ilang araw ang nakalipas nakatanggap naman si Bong ng text na sinapak umano ng amo si Goan.

“Maging sa pagkain tinitipid na sila. Dati may sarili siyang kwarto pero nitong huli sa kusina na siya pinapatulog,” salaysay ni Bong.

Nagsimula na ring kumilos sina Bong. Ika-26 ng Setyembre 2014 nang sadyain nila ang opisina ng Dolma. Nakita nilang sarado ito. Dumiretso sila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at dun nila nalaman na may ‘Preventive Suspension’ pala ang Dolma.

Lumapit na rin sila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil hindi na nila makontak ang nagpaalis sa asawa niya. Tinawagan ng OWWA ang agency at ayon sa kanilang nakausap gumagawa na raw sila ng paraan upang mapauwi ang asawa at ang kapatid nito.

“Isang buwan na kaming naghihintay wala pa ring kasi­guraduhan ang pag-uwi ng misis ko. Hindi na raw nila kaya dun at gusto na nilang bumalik ng Pilipinas. Naisipan na naming lumapit sa inyong tanggapan,” pahayag ni Bong.

Alalang-alala na ang pamilya ni Mila sa kanilang magkapatid kaya’t maging ang kanyang ina ay napaluwas dito sa Maynila mula sa Ifugao upang humingi ng tulong.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Bong.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil sa mayaman silang bansa kayang-kaya nilang magbayad ng placement fee sa mga ahensiya at kumuha ng mga kasambahay para sa kanilang pamilya dahil ito’y kakarampot lang ang halaga para sa kanila.

Ang tingin nila sa mga Pilipinong nagtatrabaho doon ay mga busabos at patay gutom.

Maswerte na ang ating mga kababayan na nakakatagpo ng mabababait na amo at kung dumating sa inyo yan alagaan niyo na at pahalagahan dahil pagkatapos ng kontrata at pagbalik niyo doon baka sa paghahangad na kumita ng mas malaki ay isang malupit na pamilyang Arabo ang inyong makatagpo.

Para lubos na matulungan sina Bong nag-email kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) para mabisita sina Mila at malaman ang kanilang kalagayan doon.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

AMO

BONG

DUBAI

GOAN

MILA

RAW

SILA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with