Salamat at hindi Ebola
KINUMPIRMA ni acting Health Sec. Garin na hindi Ebola ang sanhi ng lagnat ng isa sa mga bumalik na Filipino UN Peacekeepers. Ginawa ang lahat ng pagsusuri ng RITM at siniguradong hindi Ebola. Pero may Malaria naman ang sundalo, kaya binibigyan na ng gamot para diyan. Mananatili na muna sa RITM habang ginagamot, bago ibalik sa Caballo Island para tapusin ang quarantine period. Kailangan din kasing ipasuri nang madalas ang kanyang dugo hanggang sa mawala na ang Malaria. Pero ganun nga, sigurado nang hindi Ebola.
Ang Malaria ay dahil sa parasite na dala ng lamok. Ayon sa WHO, higit 200 milyong kaso ng Malaria ang naitatala bawat taon, at higit 600 tao ang namamatay, karamihan mula sa Africa. Ang ating peacekeepers ay galing ng Africa, kaya malamang nakuha ng sundalo ang Malaria roon. Peligroso ang Malaria kapag hindi nagamot. Ang mahalaga ay malaman kaagad kapag naglabasan na ang mga sintomas. Noong wala pang gamot sa Malaria, milyon ang namamatay. Noong World War 2, mas mahalaga ang kulambo kaysa baril at bala, dahil sa sakit na dulot ng mga lamok. Kapag tinamaan ng Malaria, napakalaking problema para sa sundalo.
Hindi puwedeng maliitin ang lamok dahil sa iba’t ibang sakit na dala nito. Sa modernong panahon kung saan umiiral na ang teknolohiya, wala pa rin tayong sagot sa pagsugpo sa lamok. Kahit mga mauunlad na bansa ay may problema pa rin sa insektong ito. Wala pa ring epektibong bakuna laban sa Malaria. Ang pinaka-mahalagang aspeto pa rin ay ang paglipol sa mga lamok na isinusulong ng DOH. Kapag malinis ang lugar walang mangingitlog na mga lamok. Nararapat panatilihin ang paglilinis sa kapaligiran. Magtulung-tulong sa pagpuksa sa mga lamok.
- Latest