Pasasalamat
HUWAG na sanang magkaroon ng bagyo o anumang kalamidad para maging masaya ang kapaskuhan.
Inilunsad na ng ABS-CBN ang Christmas Station ID 2014 noong Huwebes ng gabi. At ang paksa ay pagpapasalamat. Kanya-kanyang pagpapasalamat sa mga mahahalaga at makahulugang tao o pangyayari sa ating mga buhay. Ako ay nagpasalamat sa aking “Nanay Fe” na kasambahay namin ng apat na dekada. Hindi na nga kasambahay ang turing namin sa kanya kundi bahagi na ng aming pamilya. Siya ang nag-alaga sa aming magkakapatid, na ngayon pati na mga anak ng mga kapatid ko. Nagpapasalamat ako sa kanya at hindi kami pinabayaan kailan man, lalo na’t ulila na rin kami.
Tatlumpu’t siyam na araw na lamang bago mag-Pasko. Buhay na naman ang kalsadang Granada sa Quezon City kung saan tabi-tabi ang mga nagbebenta ng parol at iba pang mga dekorasyong pampasko. Pero napansin ng DTI sa kanilang pag-iikot ay may ilang mga grocery at supermarket ang tila nagtaas na ng presyo ng mga pagkaing karaniwang inihahanda tuwing Pasko, tulad ng spaghetti, keso, hamon, fruit cocktail, tomato sauce, cream at mayonnaise. Kaya binibigyan ng DTI ng limang araw ang mga may-ari na magpaliwanag kung bakit nila itinaas ang mga presyo ng mga nabanggit na bilihin. Natural na nagtataas ang presyo ng mga pagkaing karaniwan sa noche buena, pero para mapansin ng DTI ito ay baka naman masyadong mataas, bukod sa napakaaga pa. Masyado namang pinagsasamantalahan ang panahon.
Naglabas na rin ng babala ang DTI sa pagbili ng mga mumurahing ilaw at baka maging sanhi pa ng sunog. Noong 2004 ay namatay ang bunsong anak ni dating Congressman Jose de Venecia nang masunog ang kanilang bahay. Itinuturo ang Christmas lights na pinagmulan ng sunog. Bumili lamang ng mga nakasisigurong maganda ang kalidad. May mga LED na rin na ilaw kaya mas mura ang konsumo ng kuryente.
Sana nga ay wala nang masamang mangyari hanggang sa katapusan ng taon, pati na rin sa darating na bagong taon. Maraming pinagdaanang kahirapan ang bansa noong nakaraang taon. Tama na iyon, hindi ba? Sa kabila niyan, marami pa rin tayong pasasalamatan. Mga biyaya’t grasya mula sa Diyos, mga kapamilya’t kaibigan.
- Latest