Anti-KK ba si Binay, Mar at Duterte?
BAGO kayo mag-isip nang masama kung ano ang ibig sabihin ng KK, ang tinutukoy ko ay Korapsyon at Kontraktuwalisasyon. Hindi pa nabubuo ang isip ko kung sino ang susuportahan ko at ng OFW Family party-list sa pagka-presidente sa 2016 elections. Pero alin man sa tatlo ang makakumbinsi sa akin na kaya niyang sugpuin ang KK, magha-house to house ako nang pangangampanya para sa kanya.
Si VP Jojo Binay kaya ay kayang labanan ang KK? Kaya naman siguro. Dapat lang maipaliwanag niya nang husto sa sambayanang Pilipino na talagang hindi siya kawatan. Dapat ipaliwanag din niya na hindi siya pabor sa kontraktuwalisasyon dahil ito ay labag sa ating Saligang Batas at Labor Code. Dapat makumbinsi niya tayo na walang mga contractual o endos o 555 sa shopping malls sa Makati City.
Si Mar Roxas naman na bossing ng Liberal Party ay dapat magpahayag na ang partido niya ay laban sa kontraktuwalisasyon magmula pa nang ipinagbawal ito ng Labor Code may 40 taon na. Dapat tapatin niya ang sambayanan na walang kontraktuwalisasyon na nangyari sa shopping malls na pag-aari ng pamilya niya sa Cubao.
Si Rudy Duterte sana ang napupusuan ko na maging pangulo sa 2016 kaya lang baka mamaya “pusilon” niya ako. Aprub na aprub sa akin si Rudy kaya lang dapat makumbinsi niya rin ang sambayanang Pilipino na bagamat naging city mayor siya nang mahabang panahon sa pinakamalaking lungsod sa Pilipinas, never nagkaroon ng mga “tongpats” o korapsyon sa public works projects sa Davao City, at dahil magaling siyang abogado at alam ang batas na illegal ang kontraktuwalisasyon, igarantiya niya sa lahat ng mamamayang Pilipino na walang mga nabibiktima ng salot ng kontraktuwalisasyon sa shopping malls ng mga Ayala, Gokongwei, Gaisano, Sy at iba pa sa Davao City kung hindi ay dapat “pusilon” niya ang mga nagpapairal ng kontraktuwalisasyon roon at sa buong Pilipinas kapag siya ay naging presidente.
KK ang malalaking issues sa 2016 presidential elections. Suruin nating mabuti ang plataporma ng mga kandidato.
- Latest