EDITORYAL – Bakuna ni Ona
MAS mura ang halaga ng biniling bagay, mas mahina ang epekto at hindi matibay. Katulad sa kalsada na tinipid ang semento, madaling masira, ampaw, madaling matangay ng baha at kaunting pagdaan lamang ng mga sasakyan ay lubak-lubak na.
Ganito maikukumpara ang mga bakuna na-procure ng Department of Healh (DOH) noong 2012 na sentro ngayon nang kontrobersiya. Sa halip na Pneumococcal Conjugate Vaccine 13 (PCV 13) ang binili ng DOH, ang pinili pa rin ay PCV 10 na limitado lamang sa 10 sakit ang kayang mapagaling. Mas mahina ito kumpara sa PCV 13 na kayang lupigin ang pneumonia, meningitis, sinusitis, at bronchitis ng mga bata. Ang mga bata na tatanggap nang mas mahinang bakuna ay delikadong tamaan ng sakit dahil nga hindi rekomendado ang ipinagkaloob sa kanila sa health centers.
Sangkot sa kontrobersiya sina DOH secretary Enrique Ona at kanyang Assistant secretary Eric Tayag. Inireklamo sila sa Malacañang ng World Health Organization (WHO) at National Center for Pharmaceutical Access and Management at Formulatory Executive Council. Ayon sa mga nagreklamo, nagtataka sila kung bakit hindi sinunod ng DOH ang kanilang nirekomendang type ng vaccine. Bakit daw nagbago ang DOH ng biniling bakuna.
Nang malaman daw ni President Noynoy Aquino ang reklamo ay agad pinagpapaliwanag si Ona. Nang magdaos daw ng anibersaryo ang DOH noong nakaraang taon, halata ang “kawalang-gana” ni P-Noy at nagbigay lamang ng kaunting mensahe. At nadagdagan pa iyon nang umano’y may hinihingi pang budget ang DOH secretary. Kamakailan nag-file ng leave of absence si Ona. May nagsasabi naman na tuluyan na itong aalisin sa Gabinete ni P-Noy.
Iniimbestigahan na ang iregularidad. Pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga para raw maging mabilis at makita ang katotohanan sa pagbili ng hindi akmang bakuna para sa mga bata. At nararapat ding malaman kung ang mga bakunang binili noong 2012 ay nagamit ba o hinayaan lang ma-expired o nawalan ng bisa. Halukayin ang mga bakuna ni Ona.
- Latest