Comelec ‘alipin’ ng Smartmatic?
DAPAT i-blacklist ng Commission on Elections ang Smartmatic sa mga bidding na isinasagawa para sa darating na halalan. Aba eh, kilala ito sa pagiging violator sa batas at patakaran pero mukhang sali pa rin sa bidding ng Comelec lalu na sa pagbili ng karagdagang Automated Election System (AES) machines para sa 2016 elections.
Di ba kayo nagtataka na noong 2004 elections ay “himalang” tinalo ni Gloria Macapagal Arroyo ang sikat na action star na si FPJ sa pagkapangulo. Mantakin ninyo na na-bokya si Da King sa Mindanao, gayung iniidolo siya ng mga tao roon? Thanks to the PCOS machine courtesy of Smartmatic!
May matibay na rason ang mga clean elections advocates para hingin na i-ban ang Smartmatic sa mga bidding. Ayon sa IT expert na si Jun Estrella, hindi ISO 9001 certified ang Smartmatic na isang mahigpit na requirement ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) at RA 9184 o ng Government Procurement Reform Act.
Nabuking rin raw ng SBAC na ang ISO certification na isinumite ng Smartmatic sa bidding ay pag-aari ng Taiwan-based firm na Jarltech International. Tumanggi raw ang Smartmatic sa “subcontracting” rules ayon sa SBAC base sa rules of the General Procurement and Policy Board (GPPB).
Lumabag rin aniya ang Smatmatic sa batas ng hindi nito inabiso sa Comelec na ang kanilang PCOS software at source code ay hindi nila kontrolado dahil sa pag-aari pala ang mga ito ng ibang kumpanya na Dominion Voting Systems.
Katig ako sa hamon ng Kaakbay Citizens Development Initiatives (KCDI) sa Comelec na huwag nang payagang sumali sa bidding ang Smartmatic. Sinimulan na ng poll body ang bidding para sa karagdagang 40,000 AES machines para sa 2016 polls.
Nakakaloko ang pahayag ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. na malaya ang Smartmatic na sumali public bidding. Kaya todo-bantay ang nasabing organisasyon dahil tila may proteksiyon ang Smartmatic sa mga nasa “itaas.”
Sa isang pagtitipon ng mga tagapagsulong ng malinis na halalan sa University of the Philippines (UP) kamakailan, inulan ng batikos ang Comelec dahil na rin sa naturang usapin.
- Latest