^

PSN Opinyon

‘Lupit ng among Selosa’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA kwento nakakainganyo, habang kinukumbinsi ka parang paraiso… kapag nandun ka na iba na ang anyo.

Ito ang natuklasan ni Joviminda Cercado ng siya’y magpunta sa Dubai.

Pinagselosan, pinagbibintangan, ginugulpi… hayop kung tratuhin.

Ilang lang ito sa nararanasan ni ‘Goan’ sa bansang una siyang nagtrabaho bilang Domestic Helper (DH)… sa Dubai. 

“Nay, lahat ng trabaho ko kakayanin ko huwag niya lang akong saktan,” sabi ni Goan sa ina.

Mula pa sa malayong lugar ng Lamut, Province of Ifugao nagsadya sa aming tanggapan ang 60 anyos na si Carmen Valenciano. Inihihingi niya ng tulong ang umano’y pang-aabusong dinadanas ng dalawa niyang anak sa Dubai. Ang panganay niyang si Milagros “Mila” Bas,  34 anyos at bunsong si Joviminda Cercado o “Goan”, 24 na taong gulang.

“ ‘Nandito kami para magtrabaho, para tulungan kayo at matulungan niyo rin kami. Trabaho lang ang hanap namin…’ Yan ang nilinaw ng anak ko ng pagselosan siya ng amo niyang babae sa asawa nito,” panimula ni Carmen.

Second Year High School lang ang natapos ni Goan, mula ng mahinto sa pag-aaral katulong na siya ng ina sa pagtatanim ng palay.

Taong 2014, nagdaos ng kaarawan si Ryan Gasmin. Isang kilala raw ‘recruiter’ sa kanilang lugar. Nung araw na iyon hinikayat niya si Goan. “Gusto mo ba magtrabaho sa Dubai? Kapag okay sa’yo tutulungan kita,” ani Ryan.

Tumanggi nung una si Goan. Sinabi ni Ryan na marami na siyang napaalis at maganda ang kita doon. “Ako bahala!” sabi pa raw nito.

Naenganyo si Goan at nagpaalam sa ina. Pinayagan naman siya. Lumuwas sila ng Maynila nagpunta sa ahensyang Ortiz Agency and Employment Services Inc. para mag-ayos ng mga dokumento.

Mabilis naging pag-alis ni Goan, Ika-26 ng Pebrero 2014, nagpunta siya sa bansang Dubai. Dalawang taon ang kontrata niya rito.

Mula ng umalis si Goan, hindi na raw siya nakausap ni Carmen. Hanggang tumawag na lang ito isang araw at pinasusunod ang kanyang ate na si Mila. 

“Umalis daw kasi ang kasama niyang Indian National-DH. Tinanong siya kung may kapatid siyang pwede. Sabi ni Goan ang ate niya,”  ani Carmen.

Hindi pumayag si Mina nun. Parehas sila ng pangamba ni Goan nung una.

“Baka masusungit ang tao diyan Goan?” tanong niya sa kapatid.

Sagot ni Goan, “’Di naman ate, sa isang buwan ko rito okay naman.”

Nag-ayos ng dokumento si Mila. Nakasunod siya kay Goan buwan ng Hunyo 2014. Hindi naman daw nagkamali si Goan na pasunurin siya dun dahil maayos ang pagkikitungo ng mag-asawa nilang amo na pareho daw pulis (Motawa). Pagtapos ng Ramadan nagsimula raw mag-iba ang ugali ng mga ito. “Sinasaktan na raw sila… at sinasampal,” kwento ni Carmen.

Wala rin daw silang maayos na tulugan dun, sa kusina lang sila nagpapalipas ng gabi. “Akala ko ba Goan maayos dito?” tanong ng kapatid.

Ayon kay Carmen, dito na raw umamin si Goan na napilitan lang siyang pasunurin ang kapatid dahil tinatakot siya ng among kapag hindi tumuloy sa Dubai si Mila ipakukulong umano siya.

Isang buwan lang silang nagsama sa iisang amo. Makalipas nito, inilipat si Mila sa nanay ng amo ni Goan habang nanatili naman si Goan dun.

Patuloy umano ang pananakit kay Goan. Sobra rin daw kung siya’y pagtrabahuhin. “Nitong huli nilagnat ang anak ko pero pinagtrabaho pa rin nila. Ang mo niyang babae madalas siyang saktan. Nagseselos din daw it okay Goan,” kwento ni Carmen.

Nung nawawala daw ang ‘gold ring’ ng amo si Goan ang pinagbibintangan. Hindi rin daw siya pinasweldo mula buwan Pebrero, nung Agosto lang raw nakapagpadala ng pera si Goan.

“ ‘Hindi kami pinalaking ganyan sa Pilipinas. Nagpunta ako dito para magtrabaho ng marangal’, yan ang laging sinasabi ng anak ko,” ani Carmen.

Nagpaalam na raw itong si Goan sa amo na uuwi ng Pinas subalit hanggang ngayon hindi malaman ni Goan at kapatid nito kung paano makakabalik.

Kinausap na niya si Ryan tungkol sa problema ng kanyang mga anak subalit sa Nobyembre pa raw ito luluwas ng Maynila para pumunta sa Ortiz Agency.

Ito ang dahilan ng pagpunta ni Carmen sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tayong mga Pinoy sanay tayong magtiis. Kung titignan natin ang kasaysayan ng ating lahi, ilan taon tayong nagpalupig sa mga Kastila, Amerikano at mga Hapon. Sanay tayong mag-ulam ng asin na inihahalo sa kanin, toyo na ginagawang sabaw, tuyo sa araw-araw basta’t ang pamilya’y sama-sama…kuntento na tayo subalit ‘di nawawala ang pag-asa sa ating puso. Paggising natin sa umaga kung minsan yun na lang ang meron tayo na pinanghahawakan, ang mangarap. Kapag wala ito wala ng kahulugan ang ating buhay.  Bilang katuparan, nag-iisp tayo na magsakripisyo na magtrabaho sa malayong lugar. Tinitiis natin ang lahat ng kalupitan na ginagawa sa atin.

Sa kabilang banda, para maging patas naman sa mga employer ng ating OFW’s, ilang milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa Gitnang-Silangan at iilang porsyento  lamang ang nagrereklamo. Kadalasan dito mga bagong alis na pagkatapos ng ilang buwan ay hindi makayanan ang lungkot sa pamilya.

Ngayong darating na buwan ng Desyembre maraming kapamilya ng ating OFW’s ang pumupunta sa amin na iisa ang reklamo na gustong pauwiin ang kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay. Ang kanilang dahilan pare-pareho raw minamaltrato sila. Nagiging mapangahas sila na pati pagtakas sa bahay ng amo na kahit na makasuhan ng ‘runaway’ at ma-‘deport’ pabalik sa Pilipinas, payag na sila. Kahit ma-ban na sila sa mga bansa sa Gitnang-Silangan at ‘di na makabalik pa, okay na sa kanila yun makauwi na lamang.

Bago niyo ipirma ang inyong pangalan sa kontratang inyong tatanggapin isipin niyo munang malalayo kayo sa pamilya ng dalawang taon. Lahat ng mga importanteng petsa na may kahulugan sa inyong buhay, wala kayo. Mahigpit na ipinatutupad ng mga bansang ito ang kontrata na napagkasunduan. Isusugal niyo ba ang inyong kinabukasan para makaatras lamang? Matapos ang lahat, obligado namang pabalikin kayo sa Pilipinas pero paano kung may mangyaring bulilyaso at makulong kayo dun ng ilang taon bago kayo payagang makabalik sa ating bayan?

Bilang tulong inemail namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng impormasyon ni Goan para maiparating sa ating embahada kay Con. Gen. Frank Cimafranca ng Dubai. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

CARMEN

DUBAI

GOAN

LANG

PARA

RAW

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with