EDITORYAL – ‘Maliit ngunit matinik’
ISA sa mga hindi malilimutang Cabinet official at senador si Juan M. Flavier. Maaalala siya hindi lamang sa pagiging maliit kundi sa pagiging simple, masayahin at tapat na public official. Habang namamayani ang katiwalian sa pamahalaan, napanatili niya ang kinang at linis ng pangalan na tinaglay niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Namayapa si Flavier noong Huwebes ng hapon sa edad na 79. Nawala ang kanyang katawan subalit ang alaala ng kanyang mga nagawa bilang public official ay mananatili magpakailanman. Hindi malilimutan ang kanyang pangalan.
Kulang sa height si Flavier subalit sa dami ng nagawa niya para sa kapakanan ng mamamayan, mahigit pa siyang 6-footer sa tingin nang samba-yanan. Isa sa mga hindi malilimutang nagawa ni Flavier noong siya pa ang Health secretary sa panahon ng Ramos Administration ay ang paghikayat sa mga bagong doctor na maglingkod sa mga mahihirap sa liblib na lugar sa bansa. Kalimutan muna ang private practice para sa mga kababayang mahihirap na walang pangpaospital. Inilunsad niya noong 1993 ang “Doctor to the Barrios” program kung saan 300 bayan sa bansa ang napaglingkuran ng mga bagong doctor. Sa panahon ni Flavier bilang secretary naipatupad ang pagbabakuna sa mga bata para makaiwas sa polio. Tagumpay ang kampanya laban sa polio sa bansa. Hanggang ngayon, ipinatutupad ang libreng vaccination sa polio at tigdas.
Maliit subalit matinik umisip nang paraan para masugpo ang bisyong paninigarilyo. Naalarma si Flavier sa dami ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo kaya inilunsad niya ang “Yosi Kadiri” program. Layunin ng kampanya na imulat ang mamamayan sa masamang epekto ng paninigarilyo at iwasan ito. Nangunguna ang lung cancer sa mga dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino. Sa kampanya ni Flavier, nabawasan ang mga sugapa sa sigarilyo at nakaiwas sa pagkakasakit.
Maiiwan sa alaala nang mamamayan ang kasim-plehan ng buhay ni Flavier. Kung ang ibang Cabinet member at senador ay namumuhay nang marangya at nakatira sa naglalakihang subdivision, sa isang simpleng lugar sa Tandang Sora, QC nakatira si Flavier mula pa noong dekada 60. Paborito pa rin niyang kumain ng puto at nilagang kamote at tuwang-tuwa sa panonood ng telenobela.
Paalam sa maliit ngunit matinik at malinis na lingkod-bayan.
- Latest