EDITORYAL - Panibagong dungis sa PNP
HINDI pa nalilimutan ang EDSA, Mandaluyong kidnapping na ginawa ng siyam na pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station 1 at ang ginawa ng pitong pulis mula sa Manila Police District (MPD) na sangkot sa robbery-extortion sa isang Pakistani casino financier, mayroon na namang bagong kasong kinasasangkutan ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa pagkakataong ito, mga miyembro ng Sou-thern Police District (SPD) ang sangkot. Inirereklamo ng panggagahasa ang hepe ng SPD Special Operations Group na nagsagawa ng raid sa Miss Universe Club sa Pasay City noong Oktubre 23. Ginahasa umano ni Supt. Erwin Emelo ang isang 20-anyos na nagtatrabaho sa club. Pagkaraang salakayin ang club, dinala ang mga babae sa SPD Headquarters. Dalawang babae ang dinala umano sa opisina ni Emelo at isa sa mga ito ang ginahasa. Sabi raw ng opisyal sa isang babae, huwag titingin habang may ginagawa kasama nito. Nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang biktima. Ayon sa report, sinibak na sa puwesto si Emelo. Ayon pa sa salaysay ng mga babaing hinuli sa club, masyado silang binastos ng mga pulis na nang-raid. Sinundan daw sila sa dressing room ng mga pulis at kinunan ng retrato habang nagbibihis.
Kinilala naman ang mga pulis na kasama ni Emelo sa pag-raid sa club na sina SPO1 Rome Cantal, PO3 Roderick Alcantara, PO3 Richard Dumalaog, PO3 Michael Villano, PO3 Enrique Daya Jr., PO2 Eric Matthew Celario at PO2 Dwine Angelo Lalangan.
Nakakahiya na ang mga ginagawa ng ilang pulis. Sa halip na iangat ang kanilang organisasyon, dinudungisan pa nila. Wala nang pagpapahalaga sa kanilang sinumpaang tungkulin. Bagama’t may mga mabubuti at tapat na pulis, tila ba nasasapawan na sila ng mga may masasamang budhi at nagpapaguho sa PNP. Kakahiya na ang kanilang ginagawa. Kailan nila iingatan at mamahalin ang organisasyon? Kailan sila titigil sa pagdungis dito.
- Latest