EDITORYAL - Basura n’yo, huwag iwanan sa sementeryo
NOONG nakaraang taon, 35 truck ng basura ang nakolekta ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa maraming sementeryo sa Metro Manila isang araw makaraang gunitain ang Araw ng mga Patay. Mas marami naman ang nakolektang basura sa mga sementeryo noong 2012 na umabot sa 95 truck. Ayon sa MMDA, ang mga basura ay kinabibilangan ng plastic na botelya ng softdrinks, cardboard, diyaryo, wax ng kandila, pinagbalatan ng prutas, styrofoam boxes, plastic bags at mga panis na pagkain. Taun-taon, laging paalala ng MMDA sa mga magtutungo sa mga sementeryo na huwag iwanan ang kanilang basura. Ilagay ito sa isang supot o malaking lalagyan at dalhin pauwi. Huwag basta iiwan.
Sa Sabado ay muling gugunitain ng sambayanan ang Araw ng mga Patay at inaasahang marami na namang basurang hahakutin ang mga taga-MMDA. Baka malampasan pa ang 95 truck na nakolekta noong 2012.
Kung malalampasan ang mga basurang nako-lekta, nagpakita na naman ng kawalan ng disiplina ang mga tao. Iniwan na naman ang kanilang basura na naglalagay sa panganib ng mamamayan kabilang na ang kanilang sarili. Ang mga basurang iniwan nila sa sementeryo ang kadalasang nagbabara sa mga drainage na nagiging dahilan ng pagbaha. Kapag hindi agad nakolekta ang mga basura sa sementeryo, ang mga ito ang inaasahang magpapabara sa mga daluyan ng tubig.
Bukod sa mga basurang nabanggit sa itaas, kadalasang bitbit o dala ng mga nagtutungo sa sementeryo ay cup ng noodle soup, sache ng 3 in one coffee, supot ng sitsirya, at plastic na pinaglagyan ng pagkain at yelo.
Nagiging isang malaking basurahan ang mga sementeryo sa buong bansa kapag Nobyembre 1. Marami pa rin ang mga suwail na iiwan na lang basta ang mga basura na karamihan nga ay plastic. Wala na silang pakialam sa kanilang basura. Wala silang pakialam kung makapagdulot ng pagbaha ang iniwang basura!
Magkaroon na ng disiplina ang lahat. Huwag iwanan ang mga basura sa sementeryo. Babalik ang anumang itapon. Isusuka rin ito sa hinaharap at lalasapin din ng mga tao.
- Latest