Abuso sa E-Power
MARAMI ang nangangamba na puwedeng maabuso ang emergency power na nakatakdang ibigay ng Kongreso kay Presidente Aquino para tugunan ang umano’y nagbabantang power crisis sa susunod na taon.
Bakit? Dahil ang mga transaksyon sa pagbili o pagrenta ng mga kailangang kasangkapan ay hindi na daraan sa public bidding. Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, baka ang mga kontrata ay maipasa sa mga kompanyang madikit sa Pangulo.
Kahit kasi sinsero ang Pangulo sa pagsusulong ng “tuwid na daan” marami tayong masaklap na nababalitaan tungkol sa mga kaalyado niya sa gobyerno na gumagawa ng katiwalian.
Maging ang ilang Senador ay hindi kumbinsidong kailangan ng Pangulo ang emergency power dahil hindi naman sadyang malubha ang magiging kalagayan ng supply ng kuryente sa papasok na taon.
Imbes na emergency power, ipinapanukala ni Sen. Serge Osmeña na paglaanan na lang ng P1 bilyong pondo si Presidente Noy para matugunan ang nagbabadyang power crisis.
Tutol si Osmeña na bigyan ng emergency powers ang Pangulo. Aniya, malamang na ipasa nila ang resolusyon para bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na gumamit ng P1 bilyong pondo.
Ang pondo ay bilang suporta sa mga malalaking istablisimento na gagamit ng mga generator sets. Ang mga establisimento ay oobligahin na gumamit ng kanilang mga sariling power sources para tumaas ang generating capacity ng Luzon grid.
Idinagdag pa ni Osmeña na wala namang deadline ang Senado kung kailan dapat ipasa ang resolusyon para maiwasan ang power crisis.
Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ang pahayag ng Department of Energy tungkol sa nagbabantang power crisis ay isang panlilinlang sa taumbayan.
Hindi nga naman maiiwasan ang madla na maghinala na may mga sektor na ibig kumita kapag binigyan ng emergency power ang Pangulo.
- Latest