EDITORYAL – Krimen kahit saan, kahit maliwanag ang araw
KAHAPON, nahagip ng CCTV ang pagnanakaw ng riding-in-tandem sa isang lalaking pasakay ng kotse sa Banaue St., Quezon City. Pati ang guwardiya ng establishment na umalalay sa biktima ay inagawan pa ng baril. Natangay ang alahas ng lalaki na umaabot sa P100,000.
Nakunan din ng CCTV ang pagnanakaw sa isang eskuwelahan sa Commonwealth, Quezon City kama-kalawa ng mga riding-in-tandem. Walang anumang tinutukan ng baril ang guwardiya at mga empleado ng school at nilimas ang pera sa kaha. Walang anumang tumakas ang mga kawatan. Ang pagnanakaw ay ginawa habang maliwanag ang sikat ng araw.
Nakunan din ng CCTV ang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang nakaparadang motorsiklo sa Pandacan, Maynila noong isang araw. Wala pang isang minuto ay tangay na ang motor. Nakunan din ng CCTV ang pagbubukas sa isang nakaparadang kotse sa Sta. Cruz, Manila at walang anumang tinangay ito.
Habang maraming nakawan ang nakukunan ng CCTV, marami rin namamg insidente ng holdapan sa maraming sulok ng Metro Manila. May nanghoholdap sa jeepney at bus at maski sa mataong lugar gaya ng Cubao, Quiapo, Ayala ay may nabibiktima ng mga kawatan. May mga naaagawan ng cell phone at iba pang pag-aari.
Ang sunud-sunod na krimen at nakawan sa Metro Manila ang naging basehan kaya sinibak sa puwesto ang apat na hepe ng pulisya sa Metro Manila kamakailan. Ang apat na police district director na sinibak sa puwesto ay sina Chief Supts. Richard Albano ng Quezon City Police District (QCPD), Rolando Asuncion ng Manila Police District (MPD), Erwin Villacorte ng Southern Police District (SPD) at Edgardo Layug ng Northern Police District (NPD).
Sinibak umano ang apat dahil sa kabiguang mapigilan ang pagtaas ng krimen. Nangako naman si DILG secretary Mar Roxas, na patitindihin ang paglaban sa kriminalidad sa Metro Manila. Nangako ang mga ipinalit sa puwesto na paiigtingin ang police visibility. Sana nga. Kung hindi dapat din silang sibakin sa puwesto.
- Latest