Pagkaing nabubulok, peligroso
ILANG araw na ring tinatalakay ng ABS-CBN ang kalinisan sa kusina, at mga kagamitang maaaring panggalingan ng mikrobyo na mauuwi sa food poisoning. Sa totoo nga, maraming bagay sa kusina na kapag hindi nalinis nang mabuti ay pwedeng tubuan ng mikrobyo na magdudulot ng malubhang sakit. Malaking bagay ang paglinis ng mga kagamitan kapag tapos nang gamitin. Sa United States, dahil wala naman silang mga kasambahay na pwedeng maghugas ng pinggan at iba pang gamit-kusina, may mga automatic dishwasher sila. At ang isang bahagi ng paglinis ng mga pinggan at gamit ay ang pagbanlaw ng mainit na tubig sa simula at katapusan ng paglinis. Bukod sa magaling magtanggal ng sebo ang mainit na tubig, maraming mikrobyo na ang napapatay nito.
Dito sa atin hindi masyadong ginagawa iyan at masakit nga namang maghugas ng pinggan gamit ang mainit na tubig. Pero kung pwedeng buhusan na muna at pagkatapos banlawan, mas magiging lubos ang linis nito. Ang sponge na ginagamit pansabon sa lahat ay dapat madalas palitan, at tumutubo rin ang mikrobyo rito. Mas maganda kung binubuhusan din ng mainit na tubig matapos gamitin ng ilang beses. At gumamit ng kilalang anti-bacterial na sabon panghugas. Kahit ang maliit na pirasong pagkain na hindi nakuha sa paglinis ay nabubulok at puwedeng magdulot ng sakit. Kaya napakahigpit dapat ng DOH sa mga kusina ng mga pampublikong kainan. Alam ko may kapangyarihan silang ipasara ang kainan kapag nakitang hindi malinis ang kusina. Hindi ba dapat mas mahigpit tayo sa mga kusina natin?
Pinag-uusapan din lang natin ang mga nabubulok na pagkain sa kusina, paano naman nakalusot ang mga bulok na relief goods para sa mga taga-Albay? Ayon kay Sec. Dinky Soliman ng DSWD, 33 lata ang nadiskubreng bulok nang pumutok ang mga ito sa loob ng food packs na ibinigay sa evacuees sa Albay. Higit 22,000 food packs ang ipinamigay kailan lang. Ayon kay Soliman, iimbestigahan kung paano nakalusot ang mga bulok na delata, o kung may naganap sa pagdala ng food packs sa Albay. Baka nainitan nang husto ang grupong ito kaya pumutok ang mga delata. Bagong bili raw ang lahat ng pagkain, kaya hindi pwedeng expired o bulok. Pati ang supplier ay iimbestigahan kung binentahan sila ng bulok.
Dapat talaga mas maingat sa pagdala ng food packs para sa mga nangangailangan. Hindi nila kailangang magkasakit kung masama na nga ang kanilang sitwasyon. Ang delata ay hindi dapat naiinitan, naaarawan. Dapat nasa tuyo at malamig na lugar. Kapag lumobo, hindi na ito pwedeng pakinabangan dahil buhay na ang mga mikrobyo sa loob. Mikrobyong nakamamatay. Baka rin daw nadaganan ang mga food packs sa dami kaya pumutok ang mga lata at nabulok na lang sa biyahe. Maaari. Kaya dapat pag-aralan at baguhin ang sistema ng pagdala ng relief goods.
- Latest