Mahabang buhay: Paano maaabot?
(Part 2)
PAANO magiging malusog ang katawan? Subukan ang mga tips na ito:
- Bawasan ang pagkain (dagdag 2 years sa buhay).
Ayon sa mga pagsusuri, ang pagbabawas ng kinakain ay puwedeng makahaba ng buhay. Paniniwala ng ilang eksperto na ang pagbabawas ng 20% sa iyong kinakain ay puwedeng makabawas sa mga toxins (dumi) sa iyong katawan. Kahit sa Biblya ay itinuturo ang fasting at pag-iwas sa ilang pagkain. Piliin ang pagkaing masustansya at hindi nakatataba.
- Subukan ang Mediterranean Diet (dagdag 5 years).
Ang Mediterranean diet ay may kasamang prutas, beans, mani, cereals at olive oil. May sapat na isda at manok din. Ayon sa mga pag-aaral, ang taong kumakain ng Mediterranean diet ay mas hindi nagkakasakit sa puso at nagkakaroon ng Alzheimer’s disease. Bawasan din ang pagkain ng karneng baboy at baka.
- Piliin ang mabuting taba o good fats (dagdag 1 year).
May 2 klase ng taba: ang mabuti at ang masama. Ang masamang taba (bad fats) ay nagdudulot ng sakit sa puso, mataas na kolesterol at stroke. Ito ay ang margarine, butter, creams, at taba ng baboy at baka. Sa kabilang banda, mayroong mga mabuting taba (good fats) na matatagpuan sa mani, olive oil, abokado at matabang isda tulad ng sardinas, tilapia at salmon. Piliin din ang low-fat milk at low-fat na palaman. Tapyasin ang mga nakikitang taba sa karne bago ito lutuin.
- Panatilihing malusog ang iyong ngipin (dagdag 3 years).
Ang pagkakaroon ng sirang ngipin at namamagang gilagid ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso. Ayon sa pag-aaral, kapag laging may sirang ngipin, mababawasan ang iyong buhay ng 3 taon. Ito’y dahil ang bibig natin ay may napakaraming mikrobyo na puwedeng dumaan sa ugat at kumapit sa heart valves (balbula ng puso). Para makaiwas sa sakit, magsipilyo ng 3 beses sa isang araw. Gumamit ng tongue cleaner. At mag-floss araw-araw.
- Magkaroon ng aktibong sex life (dagdag 3 years).
Oo, tunay po iyan. Ang sex ay mabuti sa iyong puso at kalusugan. Napatunayan na ng siyensya na ang mga taong nakikipagtalik ng 2 o 3 beses kada linggo ay mas hindi inaatake sa puso at nai-stroke. Bukod dito, mas masaya sila at mas humahaba ang buhay. Ang sex ay isang klase ng ehersisyo at tumutulong sa paggawa ng endorphins o happy hormones na nagpapasaya sa atin. Tandaan lamang na “safe sex” sa iyong regular na partner ang aking tinutukoy. Kapag hindi “safe” ang iyong partner, puwede kang mahawa ng sexually transmitted disease at HIV-AIDS. Mag-ingat po.
- Latest