Kawawang Tony Tiu!
SOBRANG dismayado raw ang negosyanteng si Tony Tiu porke inaakusahan siyang “dummy” ni Vice President Jojo Binay sa 350 ektaryang lupain sa Batangas na tinawag na “Hacienda Binay.” Lehitimong negosyante si Tiu. Ang kanyang korporasyon ay listed sa stock exchange. Isipin nga naman ang posibleng pagbagsak sa halaga ng shares sa kanyang korporasyon dahil sa kontrobersyang ito.
Tiniyak ni Tiu na haharapin niya ang mga taga-Senadong aniya’y naglubid ng buhangin sa pagsasabing isa lamang siyang dummy. Mabuti iyan para magkaalaman na kung sino ang sinungaling.
Okay magsaliksik sa katotohanan tulad ng ginagawa ng Senado pero huwag na sanang magdawit ng mga inosenteng tao. Madalas ko ngang sinasabi na dapat detalyadong sagutin ni Binay ang mga akusasyon sa kanya ng Senate blue ribbon subcommittee para linisin ang pangalan. Inaakusahan ng Senado si Binay na hindi isinama sa kanyang SALN ang bilyong pisong ari-arian. Ngunit batay sa pahayag ni Tiu, hindi kay Binay ang naturang lupain kundi nangungupahan lang ang mga ito mula pa noong 1994 hanggang 2010 sa Sunchamp Real Estate Development Corp. Ito ay para sa negosyo ng mga Binay na orchid farm at babuyan. Ako man ang nasa kalagayan ni Tiu ay magagalit ako. Mantakin mong ang negosyong pinaghirapan ko ay sasabihing pag-aari ng iba?
Abangan na lang natin ang tugon ng mga accusers ni Binay at baka kaya nilang pabulaanan ang sinabi ni Tiu. Ipinaliwanag naman ng mga Binay na noong 2010 ay ibinenta na nila ang naturang babuyan sa Agrifortuna, Inc., isang kumpanya na pag-aari ni Laureano Gregorio kaya wala na silang investment sa negosyong ito.
Nilinaw ni Binay na bagamat siya at ang kanyang asawa ang incorporators ng Agrifortuna sa paid-up capital na P50,000, noong 1995, wala na silang investment dito mula nang ibinenta ang negosyo kay Gregorio. Ang lahat umano ng impormasyon sa single proprietor piggery business nila bago ito ibenta ay nakasaad sa kanyang SALN.
Kumpleto rin ang record sa SEC at PSE kung papaanong na-acquire ng Sunchamp mula sa Agrifortuna ang pagmamay-ari ng 145-hectare (hindi 350 hectares) property sa Rosario Batangas. Sa record ng SEC at PSE ay walang anumang investment ang mga Binay sa Agrifortuna o sa Sunchamp.
- Latest