Tiwala ng bayan
A PUBLIC office is a public trust. Hindi ito kinukumpromiso at lalong hindi ito nininegosyo. Ayon sa Saligang Batas, Sec. 1 ng Art. XI: Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan at kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan.
Bilang pagkilala sa prinsipyo ng tiwala ng bayan, noon pa mang 1988 nang ako’y unang nanilbihan sa publiko bilang Konsehal sa Maynila, ipinanukala ko na ang isang ordinansang mahigpit na pinagbabawal ang sumusunod: (1) ang paggamit ng plaka ng sasakyan kung saan nakasulat ang anumang posisyong hawak sa gobyerno; at (2) ang pamimigay ng calling card na may nakasulat ng “please extend assistance to bearer”.
Tulad ng kampanya ng Pangulo laban sa wangwang, ang ganitong mga panukala ay naglalayong wakasan ang kultura ng marami sa atin na umaasang matatakasan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas. Malungkot man isipin ay hindi tayo napapabilang sa hanay ng mga bansang may disiplina at propesyonalismo ang lipunan pagdating sa pagrespeto sa itinatakda ng batas.
Kaya naging malaking “scandal’ ulit itong naiulat na pagmalaki ng isang FHM model, si Alyzza Agustin, sa kanyang napakapubliko pang facebook account na nalusutan niya ang huli sa traffic violation dahil lamang sa pagpakita ng calling card ni PNP General Alexander Ignacio. Hindi natin alam kung gawa-gawa lang ito ni Ms. Agustin – itinanggi agad ng Heneral na kilala niya ang dalaga. Dalawa dito ang “talo” sa nagawa ng huli: ang gumamit ng pangalan (at ng calling card na parang exemption sa huli) at ang kanyang pagmamalaki sa publiko nang walang pakundangan na may nilabag siyang batas at kung papaano niya ito natakasan.
Ganito mismo ang mga sitwasyon na dapat ay hindi na nababasa sa ating mga media. Siempre, hindi lang ang gumagamit ng card ang may kasalanan – higit dito ay may pananagutan ang nagbibigay ng tarheta. Nawa’y magsilbing leksyon ang nangyari kay Alyzza Agustin at General Alexander Ignacio sa lahat nang gumagawa ng ganitong kabalastugan.
- Latest