EDITORYAL - Trapik dahil sa mga paghuhukay
WALANG katapusan ang paghuhukay ng Department of Public Works and Highways (DPWH). At ang mga paghuhukay na ito ang itinuturong dahilan ngayon nang matinding trapik sa Metro Manila. Hindi na ang mga truck na patungo at palabas ng port area ang dahilan ng trapik kundi ang mga kabi-kabilang paghuhukay ng DPWH. Kaliwa’t kanan ang mga paghuhukay na itinaon pa sa panahon ng tag-ulan. Itinataon pa ang pagbubuhos ng semento sa pagbuhos ng ulan kaya maiimadyin kung gaano karaming pera ang inaaksaya ng gobyerno. Paano titigas ang semento sa panahong ibinuhos ito sa tag-ulan? Tiyak na aanurin lamang ang semento at umagos na rin ang pera na galing sa buwis ng taumbayan.
Maraming ginagawang projects ang DPWH. Halos sabay-sabay. Pero wala pang natatapos. Halimbawa na lamang ay ang ginagawang pagsasaayos sa Roxas Blvd. at Bonifacio Drive na hanggang ngayon ay kalbaryo sa mga motorista. Sa harap ng Rizal Park ay dalawang lane lang ang dinadaanan (northbound). Isang lane para sa mga truck na patungong Port Area at isa para sa mga pribado at pampublikong sasakyan. Usad pagong ang trapik sapagkat binakbak ang bahagi ng kalsada. Ilang buwan na rin ang pagsasaayos ng Roxas Blvd. pero mabagal ang usad. Maaaring dahil sa madalas na pagsusungit ng panahon kaya naaantala.
Kung bakit nga kasi sa panahon ng tag-ulan ginagawa ang mga kalsada at hindi sa tag-araw?
Tiyak na aabutan ng Christmas rush ang mga paghuhukay kaya lalo pang bibigat ang trapiko. Tiyak na maraming magmumura sa pagkainip sa trapik. Bukod sa ginagawa sa Roxas Blvd. nagsasagawa rin ng reblocking sa EDSA at ilang major roads ang DPWH. Noong nakaraang linggo na umulan nang malakas, ang mga hinukay ng DPWH ang nagdulot nang grabeng trapik sa Mindanao Avenue, QC at sa may Blumentritt-A. Bonifacio Ave. sa Maynila.
Batay sa pag-aaral, umabot sa P137 billion ang nasayang noong nakaraang taon dahil sa problema sa trapik. Ngayong 2014, tiyak na mas ma-laki ang nasayang dahil mas lumubha ang trapik. Solusyunan sana ito ng pamahalaan. Isaayos ng DPWH ang sistema sa ginagawang paghuhukay dito, paghuhukay doon sa panahon ng tag-ulan.
- Latest