ANG ubasan ay simbolo ng Israel na itinanim ng Panginoon, subalit ang mga Judio na Kanyang inaruga at hinintay Niyang gumawa ng mabuti ay naging mamamatay-tao. Inasahang gumawa ng katarungan ngunit pawang pang-aapi at kasamaan. “Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.” Ang ubasan ay mga biyaya ng Panginoon. Hingin natin sa Kanya ang lahat ng ating kailangan sa pamamagitan ng ating panalangin nang pasasalamat na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.
Ang pahayag ni Isaias na pinabayaan ng Israel ang ubasan ay ipinagpatuloy ni Hesus sa talinghaga ng isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran at gumawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo ng isang mataas na bantayan. Iniwan niya sa mga kasama at nagtungo sa ibang lupain. Dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin upang kunin ang kanyang kaparte sa mga kasama. Hindi sila tinanggap. Sila’y binugbog, iba’y binato at merong pang pinatay.
Nagpadala pa ang may-ari ng ibang alipin at wala ring nakuhang kaparte. Sa huli ay sinabi ng may-ari na ipadadala niya ang kanyang anak na lalaki upang kunin ang kaparte: “Igagalang nila ang aking anak, subalit sinabi nilang ito ang tagapag-mana. Halikayo, patayin natin nang mapasa atin ang kanyang mamanahin.” Sa pangyayaring ito ay bumalik ang may-ari ng ubasan at nilipol ang mga buhong na kanyang pinagkatiwalaan. Ipinaalaga sa iba ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay ng kaparte. “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang naging batong panukulan.” Ginawa ito ng Panginoon at ito’y kahanga-hanga.
Ang talinhagang ito ang pundasyon ni Hesus sa pagtatayo ng Kanyang ubasan, ang Kristiyanismo. Naging matapat ang kasama at nagbigay nang kanyang kaparte. Ang kaparteng ito ay biyaya ng Diyos sa ating mga kasama na pawang may kabutihan at kabanalan. Ang bansang Pilipinas ay nahahambing sa ubasan ng kinurakot ng mga katiwala at mga kasama ng pamahalaan.
Isaias 5:1-7; Salmo 79; Filipos 4:6-9 at Mateo 21:33-43
* * *
Gunitain natin ang mga kapistahan: Oktubre 1 - St. Therese of the Child Jesus; Oktubre 2 - Anghel na taga-tanod (Guardian Angels); Oktubre 4 - San Francisco ng Assisi.