COA vs VP Binay
AYAW ko sanang mangyari pero tila lalung nababaon sa “kumunoy” si VP Jojo Binay kaugnay ng usapin sa “overpriced” Makati carpark building na binubusisi ng Senado. Bahagya na ngang dumausdos ang trust rating ni Binay dahil sa nabubuong paniniwala ng mamamayan na totoo ang mga alegasyon laban sa kanya.
Noong una, iginigiit ni VP Binay na ang lahat ng gastusin sa mga proyekto sa kanyang lungsod nang siya ay alkalde pa ay masinsing pumasa sa auditing ng Commission on Audit.
Sa hearing ng Senate blue ribbon subcommittee kamakalawa, mismong si COA investigator Alexander Juliano, hepe ng COA Fraud Audit Office ang naglantad na maraming paglabag ang local na pamahalaan ng Makati sa pagtatayo ng mga naturang proyekto. Si Juliano ang inatasan ng COA na magsiyasat sa mga alegasyon laban kay Binay.
Habang nagsasawalang-kibo si Binay, pati na ang anak na si Mayor Junjun Binay, tingin ko’y lalung nagtutumibay ang paniniwala ng taumbayan sa mga akusasyon laban sa kanila.
Pinatunayan ng COA official na maraming nilabag ang Makati government kung kaya nagsulputan ang maraming anomalya. Nauna rito, mismong si COA Commissioner Grace Pulido Tan ang nagsabi na walang clearance ng naipalabas ang kanyang ahensya para simulan ang pagtatayo ng kontrobersyal na gusali na nagkakahalaga umano ng P2.7 bilyon. Lumalabas na P1.314 ang “kickback” sa proyektong ito.
At hindi lang sa carpark ang sinasabing “tongpats” kundi sa pagbili ng hospital equipment sa lungsod anang COA. Sabagay, matagal nang isyu ang overpriced na hospital equipment pero ito’y kinumprima ng COA.
Oo nga’t nagsasalita minsan si Binay pero tila ito ay sa wrong forum. Ano man ang sabihin niya sa labas ng bulwagan ng Senado ay mukhang mahirap paniwalaan. Senado ang nag-aakusa kaya sa Senado siya dapat magpasinungaling at patunayan ang kanyang kawalan ng sala.
Minsan ngang nagsalita siya ay inakusahan pa siya ng mamamayan na nangangampanya na para sa 2016 elections.
- Latest