Binay ’wag kampante
DUMAUSDOS nang bahagya ang rating ni Vice President Jojo Binay pero sa kabila nito, sinabi ng Pulse Asia na siya pa rin ang numero unong presidential contender sa 2016.
Mula sa dating 41 porsyento noong Hunyo, ito’y naging 31 porsyento na lamang noong Setyembre. Obvious naman marahil ang dahilan ng pagbaba ng kanyang rating.
Sa nakalipas na mga araw ay patuloy na giniba ng mga akusasyon sa korapsyon na sinisiyasat ng Senado ang kanyang reputasyon.
Naniniwala ako na ang kanyang personal na pagharap sa Senado ay makatutulong upang isalba ang kanyang imahe na unti-unting nasisira. Natatanim kasi sa isip ng madla na ang kanyang pagbale-wala sa Senado ay nagpapakita na siya ay “guilty.”
Samantala, malaki ang itinaas sa rating ni DILG Sec. Mar Roxas na 13 porsyento mula sa dating 7 porsyento, Malayo pa rin kay Binay pero gaya nang nasabi ko na, hindi dapat maging kampante ang bise presidente.
Hindi pa matatapos ang isyu hinggil sa overpriced na Makati carpark building na sinasabing nagkakahalaga ng P2.7 bilyon. Sa paningin ko, marami pang mga testigo at ebidensya ang ilalantad sa hinaharap para lalung madiin si Binay.
Bahagya man ang idinausdos ng kanyang rating, posibleng ito ay patuloy pang bumaba dahil sa nabubuong paniniwala ng tao na siya ay guilty. Malayu-layo pa ang 2016 elections at marami pa ang posibleng mangyari upang masira nang tuluyan ang kanyang reputasyon.
Hindi ko lang malaman kung bakit laging tumatanggi si Binay na humarap sa Senado. Hindi nagbabago ang paniniwala ko na tanging ang pagpapahayag niya ng kapani-paniwalang testimonya sa Senado ang magliligtas sa kanyang imahe na unti-unting nadudurog.
Hindi tayo nakatitiyak sa politika. Sa isang iglap ay puwede kang maging number one at sa isang iglap ay puwede kang mangulelat. Malay natin, baka sumulpot ang isang dark horse at sa hindi inaasahan ay biglang mahalal na Presidente.
- Latest