‘Kalapating Namamahay’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
HUGUTIN mo ang puno sa lugar kung saan na siya inugatan at itanim sa bagong lupa, malalanta lang ito.
“Naisip namin baka bumalik siya sa Laguna pero wala siyang kapera-pera, ‘di niya rin alam ang daan pauwi,” ani ‘Jeff’.
Hindi naka-‘lock’ ang pinto. Mabilis niya itong pinasok at nagmasid sa paligid. Bunot lahat ng saksakan ng kuryente. Tinignan niya ang mga gamit ng kapatid…
“Akala ko lumabas lang siya sandali pero pagtingin ko sa lababo wala na ang toothbrush nilang mag-ina,” sabi ni ‘Aimee’.
Kasagsagan ng bagyong Mario ng magsadya sa amin si Jeffrey ‘Jeff’ Fuerte, gwardiya at kinakasamang si Aimee Salvador. Pinanawagan nila ang biglaan daw pag-alis ng kapatid ni Jeff na si Jennifer “Jenny” Fuerte, 21 anyos.
“Hindi ito unang beses na umalis siya ng bahay pero sa pagkakataong ito kasama na niya ang anak niyang 4 na taong gulang,” kwento ni Jeff.
Tatlong magkakapatid sina Jeff. May sarili ng pamilya ang kanilang panganay. Contractor ang kanilang ama, lady guard naman ang kanyang ina.
Binata pa si Jeff problema na umano nila ang pagiging mabarkada ng bunso nilang si Jenny. Hayskul lang ang inabot nito kakasama umano sa mga kaibigan.
“Nung bata siya nasisinturon ko siya dahil madalas siya tumambay kasama ang barkada niyang mahilig magkipag-textmate at eye ball,” ani Jeff.
Hindi naman daw nila napigilan si Jenny at maaga itong nabuntis sa edad na 18 anyos. Isang taon mahigit din silang nagsama ng ama ng kanyang anak na si Jay-Ar subalit dahil mga bata pa at madalas ‘di magkasundo, naghiwalay rin sila.
Taong 2009, nang umalis ng Calamba, Laguna si Jeff at nagsama sila ni Aimee sa Caloocan. Nagsimula na raw magsumbong kay Jeff ang kanilang magulang tungkol sa umano’y pagbubulakbol ng kapatid.
“Kapag gabi’t nasa bahay na sila Mama at Papa iiwan ni Jenny ang pamangkin ko 3:00 ng umaga na siya kung umuwi. Kapag umaga naman may pagkakataong sinasama niya ang bata makagala lang,” sabi ni Jeff.
Wala naman daw nagawa si Jeff nun dahil malayo siya sa kapatid hanggang nitong Agosto 2014, bumisita si Aimee at anak nila sa Calamba.
Nagkausap daw si Jeff at mga magulang at nagdesisyon na isama si Jenny sa Maynila para mas mabantayan.
“Bubukod na rin kami ng bahay ng mag-iina ko kaya naisip kong na sa’min na muna si Jenny. Sumama naman si Jenny sa’min,” sabi ni Jeff.
Ika-24 ng Agosto 2014 ng magpunta sa Caloocan sina Aimee at kapatid. Sa isang parang tenement, sa second floor na unit sila nakatira. Aminado si Aimee na bagot dun. Gigising sila kakain, manood ng TV at matutulog ulit.
Hindi naman nila pinipigilan si Jenny na lumabas. Niyaya pa nga raw niya itong ipasyal sa baba ng tenement ang anak subalit ayaw nito. Umaalis lang daw si Jenny ‘pag bibili ng sibuyas sa palengke.
Napansin nila Aimee at Jeff na madalas may ka-text si Jenny at kinakakansel niya ang mga tawag. Pakiramdam ni Jeff mga kaibigan niya sa Laguna ang kausap kaya’t sa galit ni Jeff kinuha niya ang sim card nito at sinira.
Binenta naman ni Jenny ang cellphone nung ika-2 ng Setyembre 2014. Sinabi niya sa akin ibinenta niya ito sa Malaria Market sa halagang Php200.
“Pag-uwi niya may dala na siyang pizza at bagong dedehan ng anak niya meron pa raw natira sa kanyang pera,” ani Aimee.
Ika-15 ng Setyembre 2014 tumawag ay Aimee ang inaplayan niyang kumpanya sa Ortigas. Alas dose ng tanghali ng makaalis siya ng bahay.
Naiwan si Jenny at anak sa bahay habang dinala naman ni Jeff sa kanyang binabantayan, sa Bulacan ang anak nila ni Aimee.
“Alam ko kasing mahihirapan magbantay ang kapatid ko kung iiwan ko ang anak ko. Lalaki pa naman at makulit,” sabi ni Jeff.
Bago iwan ang mag-ina, hinanda na ni Jeff ang kakainin ng mag-ina. Naglalaba ang kapatid ng kanya raw iwan.
Alas 4 ng hapon ng ihatid ni Jeff ang anak sa tenement, nagtaka siya dahil sa pagpihit ng pinto hindi ito naka-lock. Wala sa loob sina Jenny at pamangkin.
May ilan pang damit si Jenny subalit wala na ang bitamina at ang bagong gatas ng anak nito na hindi pa bukas. Pati ang toothbrush nila wala na.
Naisip nilang baka pumunta ito sa terminal at balak umuwi ng Laguna kaya dun sila naghanap. May dalawang vendor na nagsabing nakita nila ang mag-ina na nagpahinga sa tapat ng Jam Terminal at nagpalipas pa daw ng gabi sa Florida Terminal. Nagpunta sa pulisya at nailista si Jenny bilang missing person.
Kahilingan niya mailathala ang kwento Jenny at larawan nila.
Itinampok namin si Jeff sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo “HUSTISYA PARA SA LAHAT” sa DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isang batang kapitbahay ang nagsabing nakita niya ang mag-ina na lumabas nun. Bagong ligo raw ang mga ito at may dalang bag. Nagpapatunay lang na alam ni Jenny kung saan siya pupunta.
Ang pagdidisiplina ay hindi ang pagpapasunod sa tao dahil sa takot dahil pagdating ng araw magiging rebelde ito at gagawa ng paraan makatakas sa’yo.
Sa kwento sa amin ni si Jeff na mabarkada ang kanyang kapatid at madaling mabuyo. Malaki ang posibilidad na kinupkop siya ng isang kaibigan. Babae man o lalaki hindi pa natin malaman.
Nasanay si Jenny na mabuhay na napapaligiran ng barkada at ngayon pilit siyang inilalayo sa mga ito marahil naburyo siya at gustong bumalik kasama nila.
Ilang araw makalipas mapanawagan nila Jeff si Jenny sa aming programa sa radyo, nalaman namin mula kay Jeff na nung nakaraang Sabado nakauwi na si Jenny at pamangkin bahay nila sa Laguna.
Dahil na rin sa mga nakarinig sa panawagan nitong si Jeff, itinuro kay Jenny ng kanyang napagtanungan ang daan pabalik.
“Naligaw lang daw siya at napadpad sila sa Divisoria pero may nakapagturo sa kanila ng daan pabalik ng Laguna. Yun ang kwento ng kapatid ko. Maraming salamat po talaga sa tulong ninyo at nakauwi na pabalik si Jenny,” ani Jeff.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.
O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest