EDITORYAL - Makaahon pa kaya ang PNP?
SARIWA pa ang EDSA, Mandaluyong kidnapping na ginawa ng siyam na pulis mula sa La Loma Police Station 1 noong Setyembre 1 pero heto at meron na namang panibagong inaakusa sa mga pulis. Bagong dungis na naman ito sa PNP. Pitong pulis mula sa Manila Police District (MPD) ang isinasangkot sa robbery-extortion. Isang Pakistani casino financier ang nagreklamo sa MPD na inaresto siya at ninakawan ng walong pulis na nakatalaga sa anti-car theft unit. Ayon sa Pakistani, nag-uusap sila ng kanyang mga kaibigang Chinese at ilang Pinoy sa Manila Pavillion nang dumating ang mga pulis at sinabi na ang kanyang apat na sasakyan ay mga nakaw. Dinala umano sila sa MPD headquarters at tinakot na kakasuhan sila ng kidnapping kapag hindi nakipag-cooperate. Nahirapan umanong makipag-usap ang Pakistani sa mga pulis dahil Tagalog ang usapan. Isang kaibigang Pinoy umano niya ang nakipag-usap sa mga pulis. Ayon sa mga pulis, kailangang magbigay ng P300,000 ang Pakistani para makalaya ang mga ito. Tumanggi ang Pakistani dahil mayroon siyang mga dokumento ng kanyang mga sasakyan. Nagpatulong ang Pakistani sa isang pulis mula sa Crame para magreklamo. Sinamahan siya sa MPD at positibo niyang kinilala ang walong pulis sa pamamagitan ng gallery. Ang mga pulis ay pinangungunahan ni Senior Insp. Rommel Geneblaso, SPO1 Gerardo Rivera, SPO1 Michael Dingding, SPO1 Jay Perturbos, SPO1 Jonathan Moreno, PO2 Renato Ochinang at PO2 Marvin de la Cruz. Hanggang kahapon ay hindi pa sumusuko ang mga pulis. Sabi ni Manila Mayor Joseph Estrada, malaking kahihiyan sa PNP ang ginawa ng pito kaya dapat silang sibakin sa puwesto.
Habang may mga miyembro ng PNP ay nasasangkot sa kung anu-anong kaso, nasa kontrobersiya rin naman ang kanilang hepe na sinampahan ng kasong katiwalian dahil sa pagkakaroon nang hindi maipaliwanag na ari-arian kagaya ng “White House” sa Camp Crame at mansion sa Nueva Ecija. Hindi maipakita ng PNP chief ang kanyang SALN.
Siya kaya ang ginagaya ng mga pulis kaya naliligaw ng landas ang mga ito? Makaahon pa kaya ang PNP sa kinasadlakang putik?
- Latest