Boss nga ba tayo?
INIUTOS kamakailan ni DILG Sec. Mar Roxas ang pagsasailalim sa lifestyle check sa mga opisyal at kagawad ng Philippine National Police (PNP) matapos uminit ang isyu sa pagkakasangkot ng ilang police scalawag sa mga kriminalidad at ibang katiwalian. Nasabi ko sa una nating kolum na hindi lamang sa pulisya kundi sa lahat ng sangay ng pamahalaan dapat gawin ito dahil pera ng taumbayan ang ipinansusuweldo sa mga yan.
Tayo ang kanilang mga “boss”. Iyan mismo ang linya ni President Noynoy.
Pero tanong ko lang sa inyo, ramdam nyo ba kahit minsan na tayo ang “boss” ng gobyernong ito? Kakatwa pero tayo lang ang “boss” na pinahihirapan, kinikidnap, kinikikilan at ginagawan ng kawalanghiyaan ng ating mga pinasasahod. Ano ba yan? May boss bang ganyan?
Kaya “umuusok ang ilong” sa galit ang mga kababayan natin sa mga balitang paglulustay ng pera ng bayan na lalo pang pinatindi ng mga balitang pagkakasangkot ng mga pulis sa hulidap, droga, carnapping at iba pang krimen laban mismo sa mga taumbayan na nagpapasahod sa kanlia.
Kamakalawa, nagpahayag si Vice President Jejomar Binay na payag siyang sumailalim sa lifestyle check bagamat PNP officials lamang ang inoobliga rito. Sa unang pagkakataon ay aprobado sa akin ang pagboboluntaryong ito ni VP Binay sa harap ng mga akusasyon ng katiwalian laban sa kanya. Sana, lahat ng mga opisyal, may mga pangit na alegasyon man o wala, ay magkusa na ring magpailalim sa ganyang proseso para mabuo muli ang tiwala ng mamamayan sa gobyernong sa tingin nila’y tiwali.
Tayong karaniwang mamamayan ay walang magagawa kapag ang gobyernong imbes magserbisyo ay nagsisisilbing halimaw na siyang sumisila at lumalapastangan sa taumbayang dapat pagsilbihan. Inuulit ko. Mabuti at makatutulong ang isang totohanang pagbusisi sa ari-arian at yaman ng bawat nagsisilbi sa pamahalaan.
Pero kung ito’ pro-forma lang at pakitang tao, huwag na lang at baka maging sistema lang ng paninira o demolisyon.
- Latest