China paano manggiyera (2)
(Karugtong nang lumabas kahapon)
ANIM ang karaniwang estratehiya ng China sa pakikidigma. Halaw ito sa pagsuri ni Prof. Brahma Chellaney sa tagisan ng China at India sa kanilang borders nu’ng 1962. Biglang nilupig ng China ang India, at makalipas ang 32 araw na bakbakan bigla rin itong umatras. Kahapon tinalakay ko ang dalawang estratehiya: gulat at tindi. Ngayon, apat pa:
(3) Unahan. Ugali ng pamunuang Komunista gumamit ng dahas militar para sa pampulitikang layunin. Bahagi nito ang “pagturo ng leksiyon” sa kalaban para hindi ito magtangkang sumuway sa interes ng Beijing. Ani Premier Zhou Enlai ang giyera nu’ng 1962 ay para “turuan ng leksiyon ang India.” Nang bumisita sa Wa-shington nu’ng 1979 si Deng Xiaoping, winika niyang “dapat turuan ng leksiyon ang Vietnam.” At makalipas ang ilang araw nilusob nga ng China ang kapit-bansa.
(4) Tiyempo. Piliin ang pinaka-mainam na pagkakataon. Nang lusubin ng China ang India, abala ang U.S. at U.S.S.R. -- kapwa kaibigan ng India -- sa Cuban missile crisis. Nang matapos ang sigalot sa Cuba, bigla ring umatras ang China mula sa India. Katatapos lang ng Vietnam War nang agawin ng China ang Paracel Islands. Kaaalis lang ng U.S. bases nang agawin ng China ang Mischief Reef mula sa atin nu’ng 1975.
(5) Palusot. Sa lahat ng panlulupig -- sa India, Vietnam, Pilipinas -- nagpalusot ang China na dinepensa lang niya ang sarili laban sa kapit-bansa. Sa hangad ng China na agawin ang Okinawa at Sengkaku Islands, gan’un ang sinasabi niya ngayon laban sa Japan.
(6) Pangahas. Nakita ang pagsusugal ng labanang militar sa kilos ni Mao Zedong at sa paglusob ni Deng Xiaoping sa Vietnam miski maari magalit ang Russia. At nanalo sila. Mas malakas ang loob ng China ngayon sumugal dahil meron itong second-strike nuclear capability.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest