China paano manggiyera (1)
LIMAMPU’T DALAWANG taon na ang nakalipas nang, sa gitna ng gusot sa borders nila, biglang nilusob ng Chinese People’s Liberation Army ang India. Mula Himalayas, pumasok nang husto ang mga tangke at infantry sa silangan at kanlurang bahagi ng hilagang India. Nu’ng ika-32 araw ng labanan, bigla rin nag-ceasefire ang China, at kusang umatras mula sa sinakop na teritoryo. Napahiya ang China sa mata ng mundo. Bagamat mayabong ang kalakalan ng dalawang bansang may pinaka-malalaking populasyon, nagkakatagisan pa rin sila sa borders.
Isina-aklat ni Prof. Brahma Chellaney ang panlulupig ng China sa India. Tinasa niya ang anim na estratehiya ng China sa giyera, na maari pa rin nito gamitin sa kasalukuyan sa pakikipagtagisan sa America, Japan, Australia, Vietnam, Pilipinas, ASEAN:
(1) Gulat. Pinahahalagahan ng China ang elemento ng sorpresa, para maagang tagumpay sa pulitika at sikolohiya - habang nagwawagi rin ng teritoryo. Mahigit 2,000 taon na ang estratehiyang ito, turo ni mandirigmang Sun Tzu, na nagpayo na “Umatake sa kalaban kung kelan hindi siya handa, at hindi niya ito inaasahan; ‘yan ang susi sa tagumpay.” Sinimulan at hininto ng China ang giyera nu’ng 1962 kung kelan hindi ito inaasahan ng India. Gan’un din nang nilupig ng China ang Vietnam nu’ng 1979.
(2) Tindi. Paniwala ang mga heneral ng China sa mabilis at pinaka-matinding upak, tulad ng ginawa nilang blitzkrieg laban sa India nu’ng 1962. Pakay nila ang “mga labanan na mabilis ang resulta (su jue zhan).” At mapapansin ito sa lahat ng kilos militar ng mga Komunistang pinuno sa Beijing mula nang maagaw ang kapangyarihan nu’ng 1949.
(Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:[email protected]
- Latest