Lifestyle check
NGAYONG prominenteng isyu na naman ang katiwalian ng mga pulis na sangkot sa mga krimen, inirekomenda ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng mga opisyal at miyembro ng kapulisan.
Aprub agad ito kay Presidente Nonoy Aquino. Maganda naman kasi, kung seseryosohin. Nasabi ko ito dahil panahon pa ni Presidente Cory Aquino ay narinig ko na yang “lifestyle check na iyan.” Hindi lang sa pulisya kundi sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na ang estilo ng pamumuhay ay hindi akma sa kanilang kinikita. Batid naman natin na kung sa sahod ka lang aasa sa pamahalaan, malaking sakripisyo ito kumpara sa kung magtatrabaho ka sa mga pribadong korporasyon.
Okay sa akin iyan sa kondisyong ito’y walang humpay at magiging institusyong di mababago kahit sino pa ang umupong Presidente ng bansa. Ang problema lang ay palagi itong nakalalamigan at sumusulpot lang uli kapag may mga katiwaliang nangyayari tulad nitong kaso ng kidnap-hulidap na mismong mga pulis ang nasasangkot.
Ayokong mag-isip ng masama pero hindi kaya sinasadyang panlamigan ang ganitong mga hakbang kontra sa korapsyon dahil may mga bagong luklok na opisyal na gusto munang makinabang? Tapos kapag masyado nang bistado ay saka magsisimulang mag-grandstanding at kunwa’y tutuligsa sa mga nangyayaring katiwalian.
Ginagamit pa ito bilang isyung pulitikal para gibain ng mga pulitiko ang isa’t isa.
Kay dami nang natakpang mga dambuhalang isyu ng usaping ito. Hindi na masyadong pinag-uusapan ngayon ang isyu sa pork barrel scam at DAP.
Ngayong aprubado ng Palasyo ang proposal ni Roxas, go, go, go! Pero gaya nang nasabi ko, gawin itong institutionalized upang sa kabila ng pagbabago ng liderato ay palaging nakaabang iyan laban sa mga “bantay salakay” sa ating pamahalaan.
Pasensya na kayo sa terminong “bantay-salakay” patungkol sa mga taong pinagkatiwalaan natin para umigi ang ating buhay pero sila mismo ang salot sa lipunan. Pero wala talagang mas angkop na katawagan akong maisip liban sa bantay salakay.
Sa binabalak na lifestyle check ng administrasyon, huwag lamang gawin ito sa PNP as if nasa ahensyang ito lamang ang lahat ng kabulukan. Gawin itong panlahat.
- Latest