‘Ang babaeng sinilid sa drum’
(Ruby Rose Barrameda Murder)
(Ikalimang bahagi)
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
“SIR, uuwi po muna ako sa Bataan para maghatid ng pera. Nagawa na po namin yong pinatrabaho ninyo, kagabi lang, ayos na po ang problema nyo, naitapon na rin po namin Sir.” “Sir, salamat po. Pero saka na lang po pagbalik ko, uuwi po muna ako ng Bataan para maghatid ng pera,” sabi ni Spyke sa taong kausap niya sa cell phone.
Sa pagpapatuloy ng Sinumpaang Salaysay na ibingay ni Manuel Aya Montero tungkol sa pagkamatay ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez:
Tinanong ni Montero si Spyke kung sino ang kanyang kausap at ano ang pinag-uusapan nila. “Bibigyan raw ako ng bonus ni Third dahil ayos na ang problema niya.”, sagot umano si Spyke.
Diniin ni Montero na si Atty. Jimenez umano ang ‘mastermind’ sa pagpatay kay Ruby dahil tinawagan pa raw ni Lope ang kapatid nung Marso 15, 2007, “Kaya ang lahat ng utos mo patungkol kay Ruby Rose ay naisagawa at tapos na.” Nalaman ko na ang tinawagan ni Lope ay ang kanyang kapatid na si Atty. Manuel Jimenez II dahil ibinigay sa akin ni Lope ang kanyang cell phone at nag-usap kami ng tao na nasa kabilang linya,” laman ng salaysay.
Nag-usap din daw sila Montero at Atty. Jimenez sa cellphone, “Sinabi niya (Atty. Manuel Jimenez II) sa akin na “Kayo”, “Kumusta?” Ok ba ang pagtatrabaho ninyo? At sumagot naman ako ng “Opo” Tinanong uli ako ni Atty. Manuel Jimenez II ng “sigurado ba ang pinagtapunan ninyo kay Ruby at sumagot po ako na “huwag po kayo mag-alala dahil walang makakakita kung saan nandun si Ruby” At sinabi niya sa akin na “Sige, maraming salamat.”---laman ng Karagdagang Salaysay.
Dagdag pa ni Montero, inutos pa umano ni Lope na ipa-rape si Ruby Rose kina Spyke Eric at Obet. “Hindi ako pumayag at nakiusap na lang ako kay Lope na huwag naman dahil asawa siya ng kanyang pamangkin,” ani Montero.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya Barrameda laban kina Manuel Jimenez II, Lope Jimenez, Eric Fernandez, Spyke Descalzo, Roberto Ponce “Boyet”, Rudy De La Cruz kasama si Manuel Montero subalit tumayong ‘eye witness’ itong si Montero. Ipinasok siya sa ‘Witness Protection Program’ subalit nanatili ito sa Safe House sa Camp Bagong Diwa kasama ang kanyang pamilya sa pangangalaga ni dating NCRPO Chief Roberto ‘Boysie’ Rosales.
Nagsampa ng kasong Parricide sina Rochelle para sa asawa ni Ruby na si Third. Nagkaroon ng pagdinig sa kasong Murder at Parricide nakitaan ng ‘probable cause’ ang kaso at nailabas ang ‘warrant of arrest’ para kina Atty. Manuel Jimenez Jr., Lope Jimenez, Eric Fernandez, Spyke Descalzo, Robert Ponce at Rudy De La Cruz.
Nagpasa ng Petition for Bail sina Jimenez. Hindi tumigil ang mga kapulisan sa pagtugis sa mga wanted. Nahuli si Atty. Manuel Jimenez Jr. at na-‘hospital arrest’ sa Philippine Heart Center. Taong 2011 naman ng makulong si Spyke at sumunod na taon si Robert Ponce naman ang nahuli. Habang nagtatago pa rin sina Lope Jimenez at Eric Fernandez.
Ang kasong Parricide na sinampa ng mga Barrameda laban kay Third nakaabot na sa Court of Appeals at nakitaan ng Probable Cause subalit hanggang ngayon panay petisyon pa rin si Third.
March 5, 2013 tinawagan si Rochelle ni Atty. Martin Menez, director ng Witness Protection Program at sinabing nakarating sa kanyang nung Marso 1, 2013 pa nawawala itong si Manuel Aya Montero sa Camp Bagong Diwa.
“Huling Martes ng Pebrero, tumawag sa’kin si Atty. Menez, nasa Bicol ako nun. Pinapaluwas niya ko kailangan ko raw kausapin si Montero dahil gusto nitong magpalipat ng safe house. March 1 nag-usap pa kami nila Montero at Col. Ronald Lee na magpapa-check-up si Montero ng mata. Parehong araw daw ng mawawala si Montero,” sabi ni Rochelle.
Ika-5 ng Marso 2013, tumawag na lang kay Rochelle ang isang television anchor at binalitang nagpunta ang asawa at anak ni Montero sa RTC, Malabon Branch 170 dala ang ang sinumpaang salaysay ng pagbawi ni Montero. Notaryado ni Atty. Salvador B. Junio. Tinanggap daw ito ng In-Charge of the Criminal Case Zenaida Salongga nung ika-12 ng Marso 2013.
Ayon sa salaysay: hindi totoo at pawang kasinungalingan lahat ang mga ibinulgar niya laban sa mga akusado. Lahat raw ng binanggit niya sa Sinumpaang Salaysay na may petsang May 18, 2009 at July 11, 2009 ay walang katotohanan at pawang kasinungalingan.Turo lang raw lahat ng ito sa kanya at inutos na kanyang panindigan. Wala daw siyang kinalaman sa kaso.
Ang drum ay galing daw sa Bacoor, Cavite at inilagay lang sa dagat ng Navotas ilang araw bago siya inutusan at magdiin sa mga akusado. Hindi raw ang magkapatid na Jimenez at si Third ang nagpapatay.
Wala raw kinalaman ang kanyang mga nabanggit maging siya. Nagkaroon lang raw siya ng galit kay Lope na dati niyang amo. Hindi naman niya masabi kung sinong nag-utos sa kanya dahil takot siya sa kanila.
Wala raw naganap na pagkuha kay Ruby Rose. Hindi rin niya ito inutos kina Eric, Spyke at Obet. Ni hindi raw niya alam ang pangalan ni Obet.
Hindi raw sila ang pumatay kay Ruby Rose at walang nangyaring pagpatay sa BSJ Compound. Hindi rin body guard ni Third si Spyke. Hindi raw sila magkakilala.
“Gusto ko na maitama ang lahat ng aking mga kasinungalingan at mga pagkakamali. Inuusig ako ng aking konsensiya na idawit ang mga taong walang kasalanan. Kaya ang lahat ng aking mga nabanggit sa aking mga Salaysay ay aking binabawi at pinasisinungalingan,” laman ng salaysay.
Binabawi na niya ang paghayag niya nung ika- 18 Mayo, 2009 at June 11, 2009. Pati ang pagiging state witness sa kasong MURDER na may titulo na “People of the Philippines vs. Atty. Manuel J. Jimenez Jr., et al. Regional Trial Court ng Malabon, Branch 170, Criminal Case No. 3922-MN’. Ayaw na din na niya tumestigo laban kay Manuel Jimenez II. Ayaw niya na daw pakasangkapan sa mali at mga kasinungalingan.
Saan na pupunta ang kasong ito ngayong sumibat na si Montero sa safe house? Anong timbang ang ibibigay ng prosecutor o depensa sa ginawa niyang pagbawi ng naunang salaysay?
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento; http://www.facebook.com/tonycalvento
- Latest