LP men sa Cabinet binobola si P-Noy
PAKATANDAAN: Ang kalahati ng katotohanan ay buong kabulaanan.
Ito ang rason kaya binatikos ko kahapon si Transport Sec. Joseph Emilio Abaya, acting president ng naghaharing Liberal Party. Sa pagsabi ng kalahati ng katotohanan, nabola niya si President Noynoy Aquino na laanan siya ng P2.5 bilyon pang-upgrade at repairs sa MRT-3. Itaas pa ni Abaya ang pasahe sa tren ng EDSA-Metro Manila sa P28, mula sa P15. Napagtakpan niya ang tunay na isyu: winaldas lang ng kinontra niyang maintenance companies, PH Trams at Global Inc., pawang pag-aari ng kumpareng Marlo dela Cruz, ang P1.3 bilyong ibinayad mula Okt. 2012 hanggang kasalukuyan. Dahil dito, mahahaba ang pila, siksikan, at malimit magka-aksidente at breakdowns sa MRT-3. Nilipat pa niya, sa kung magkanong dahilan, ang site ng common station ng MRT-3 at LRT-1 mula sa plinano noon pang 2013. Inulat pa kay P-Noy na darating na mula Set. 2015 ang unang tatlo sa 48 bagon na in-order mula sa manunuhol na Dalian Corp. ng China.
Kalahati ng katotohanan din ang pinambola ni Agriculture Sec. Proceso Alcala kay P-Noy kamakailan. Inulat kasi ng Dept. of Justice na pinayagan ng bata niyang Carlito M. Barron, hepe ng Bureau of Plant Industry, na solohin ng isang smuggler ang kalakalan sa bawang, kaya 12 beses tumaas ang presyo noong Hulyo. Nang tanungin siya ni P-Noy kung nasaan ngayon si Barron, tumugon si Alcala na naka-floating status sa opisina niya. Kabulaanan ito. Ayon sa press release ni chief of staff Dennis Guerrero nu’ng Hulyo, nang alisin si Barron sa BPI ay ginawa ni Alcala ito na special technical assistant.
At sino si Guerrero? Ito ang dating special aide ni Orlan Calayag sa National Food Authority. Umalis ang dalawa sa ahensiya sa pagpasok ni Presidential Assistant Kiko Pangilinan nu’ng Hunyo. Ginawa ni Alcala si Guerrero na chief aide, at si Calayag na assistant secretary for plans.
- Latest