Kaugalian pa rin ang problema
NAGBIGAY na ng go-signal ang Court of Appeals para sa itatayong tambakan sa Obando, Bulacan. Nasa 45 ektarya ang sasakupin ng nasabing tambakan. Ginagawa ito para makatulong na rin sa paglinis ng Manila Bay na tila ginawang tambakan ng marami. Natural na tumutol ang mga residenteng nakatira sa paglalagyan ng tambakan. Mahirap nga namang tumira sa tabi ng malaking basurahan. Ilang opisyal din ng gobyerno ang lumagda sa petisyon na huwag ituloy ang tambakan, dahil sa magiging epekto nito umano sa kalikasan. Pero sa ngayon, ang desisyon ng CA ang iiral kaya matutuloy na ang paggawa ng tambakan.
Bukod sa kakulangan ng kalsada na nagdudulot ng mga mala-impiyernong trapik sa Metro Manila, nawawalan na rin tayo ng pagtatapunan ang mga basura natin. Problema ng malalaking siyudad ang basura, kahit saan sa mundo. Pati mga mayayaman at maunlad na bansa ay pinoproblema rin ang basura. Ang maganda lang sa ibang bansa, partikular mga mayayaman at maunlad na bansa, may mga solusyon sila para sa kanilang basura.
Pero ang problema sa ating bansa ay ang mamamayan mismo. Marami pa rin ang walang pakialam sa basurang itinatapon. Kapag itinapon, wala na silang pakialam kung ano pa ang mangyari. Katulad na lang ng mga iba’t ibang uri ng basurahan ngayon. May mga lugar na naglalagay ng basurahan para sa “nabubulok”, “di-nabubulok” at “residual waste”. Pero hindi naman sinusundan ng mga nagtatapon. Magtatapon ng plastic na bote sa “nabubulok” na basurahan. Magtatapon ng pagkain sa “di-nabubulok” na basurahan. Mga iba, ni hindi man lang maipasok sa anumang basurahan at itatapon na lamang kung saan-saan! Magandang halimbawa nga ang Manila Bay, na ginagawang basurahan, palikuran, paliguan, lahat na.
Malayo pa tayo sa mga ibang bansa na napapanatiling malinis ang kanilang kapaligiran, dahil na rin sa kaugalian ng marami. Sa siyudad ng Marikina, mahigpit ang kanilang mga ordinansiya hinggil sa pagtatapon ng basura. Kahit balat ng kendi, kapag itinapon lamang sa kalsada, huli at multa na. Bakit hindi na gawin iyan sa buong bansa? Bakit hindi maging mahigpit, tulad ng paghihigpit sa jaywalking? Tayong lahat rin naman ang makikinabang sa malinis na kapaligiran, hindi ba? At kailangang nang pag-aralan ang recycling. Ayon sa mga eksperto, hindi totoo na mas mahal ang mag-recycle, basta’t tama at maayos ang teknolohiya. Kung hindi, mauubusan na rin tayo ng mga paglalagyan ng tambakan sa bansa, at matatabunan tayo ng sarili nating basura.
- Latest