Binay-MVP sa 2016?
MATAGAL nang umuugong ang tsismis at ngayo’y kumpirmado na. Sinusuyo ni Vice President Jojo Binay ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan para maging vice presidential running mate sa 2016.
Ayaw daw kasi ni Binay ng isang politiko bilang katambal sa darating na presidential polls. At kung ikukonsidera ang track record ni Pangilinan sa larangan ng negosyo, magiging malaking asset ito sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa.
Ang isa pang napapabalitang kursunada ni Binay bilang running mate ay si dating Senador Manuel Villar. Pero papaano kung may presidential ambition din si Villar?
Kung pagiging matagumpay na negosyante ang criteria ni Binay sa pagkuha ng katambal, negosyante rin si Villar. Pero kung isang konsiderasyon din ang pagiging politiko kay Binay, bagsak na si Villar dahil matagal na ring na-expose ito sa magulong daigdig ng politika.
Sabagay, itong si MVP (tawag din kay Pangilinan) ay may “midas touch” pagdating sa pagnenegosyo at umaasa marahil sa Binay na ang husay nito sa business ay magagamit sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa.
Ani Binay, sapul pa noong isang taon ay kinukonsidera na niya si MVP bilang running mate. Ang kuwestyon ngayon ay, makumbinsi kaya si Pangilinan na nagma-may hawak ngayon ng malaking emperyo ng negosyo sa telekomunikasyon, media, serbisyo at pagmimina?
Ayon kay Binay, nang ungkatin niya ang panukala kay MVP noong isang buwan ay walang tugon na ibinigay ang negosyante.
Si Pangilinan ang chief executive ng HongKong-listed First Pacific na nagmamay-ari ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT), TV-5, Manila Electric Co.(Meralco) at chairman ng Philex Mining Corporation at Star Group of Publications.
Kung ikaw ay isang matagumpay na negosyante na may ganyang kalawak na business empire, ipagpapalit mo kaya ito sa pagiging Presidente ng bansa na dito’y very vulne-rable ka sa mga paninira at kung mahina-hina ang iyong karakter ay baka mahulog ka pa sa tukso ng corruption?
- Latest