Bisyo
Mga Pilipino ay maraming bisyo
bisyong pulitika ang una na rito;
wagi sa eleks’yon pasok sa gobyerno
salapi ng bayan inuubos nito!
Pangalawang bisyo’y ugaling magnakaw
sa mayama’t dukha ay nakakubabaw;
hindi pa kuntento nag-aakyat-bahay
nang-aabuso pa saka pumapatay!
Ang pangatlong bisyo’y matakaw sa alak
wala nang makain alak nilalaklak;
nagiging pabaya sa asawa’t anak
dahil sugapa na ang tahana’y wasak!
Kasunod na bisyo’y gawaing kriminal
walang sinasanto sila’y pumapatay;
kapag may nag-utos saka naglalagay
tinutodas nila maging kapitbahay!
Matindi ring bisyo’y taglay ng mayaman
sagana sa pera’y walang pakialam;
mga dukhang tao na namamasukan
kahit nagigipit hindi matulungan!
Kabilang sa bisyo bisyo ng sugarol
ang kaunting pera na naimpok noon -
dahilan sa sugal utang patung-patong
ang dating mayaman mahirap na ngayon!
Ang panghuling bisyo ay bisyo ng tamad
sa loob ng bahay ay patuwad-tuwad;
mga dapat gawin maghapo’t magdamag
mga magulang pa tanging nagsisikap!
- Latest