^

PSN Opinyon

‘Isang tapik...tigok’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

KASIYAHAN ang pinuntahan ng anak…makalipas ang halos isang araw umuwi itong hinang-hina lulan ng pedicab. Ilang hakbang pa lang ang nalalakad bigla na lang itong tumumba at napaupo sa tabi.

“Kahina-hinala ang mga kilos niya. Sumusulyap-sulyap pa siya sa grupo namin at nagkukunwaring nagte-text. Bigla na lang niyang hinampas ang mobile namin,” sabi ng isang pulis.

Ito ang kwentong nakarating kay Rasol Escalicas, 36 na taong gulang taga Kalookan na ikinapahamak ng kapatid niyang si Redentor na noo’y 28.

Wala sa pinangyarihan ng insidente si Rasol dahil halos dalawampung taon silang nagkahiwalay ng kanyang pamilya. Katorse pa lang nang magpasya siyang lumuwas ng Maynila upang magtrabaho.

Sa impormasyong nakalap ni Rasol tungkol sa nangyari, ika-28 ng Enero 2012 nang dumayo ng piyesta ang kapatid.

Nang pauwi na ito mahina umanong pinalo ng kanyang palad ang mobile ng mga pulis na nakaparada sa labas ng sayawan. Magkakasama silang tatlong magkakaibigan ng mga panahong yun.

“Boss uwi na kami,” paalam nito sa mga pulis.

Palakad na palayo si Redentor nang habulin umano sila ng mga pulis. Nagtakbuhan ang kanyang mga kasama. Ang buhok niyang hanggang balikat ang  hinablot ng mga ito at sapilitan sinakay sa mobile.

“Walang nagsabi sa mama ko kung ano ang nangyari. Kagagaling lang kasi sa sakit kaya’t hinang-hina pa siya,” salaysay ni Rasol.

Kinabukasan ika-29 ng Enero 2012...umuwi ang kapatid na latang-lata at namumutla. Nanghingi ito ng tubig.

“Anong nangyari sa ‘yo? Bakit ganyan ang itsura mo?” tanong ng ina sa kanya.

“Huwag na kayong magtanong. Dalhin niyo ako sa ospital. Sobrang sakit ng tiyan ko, para na ‘kong mamamatay,” sagot nito.

Pag-inom nito ng tubig bigla na lang daw nitong isinuka ang ininom at muling ininda ang labis na pananakit ng tiyan.

“Namimilipit siya kaya’t dinala na kaagad sa Bantayan District Hospital para mapatingnan,” sabi ni Rasol.

Pagdating sa ospital tinanong ng doktor si Redentor kung ano ang nararamdaman nito at kung ano ang nangyari.

“Ayaw magtapat ng kapatid ko. Sabi ni mama pinipilit siya ng doktor na magsabi ng totoo para malaman kung anong gamot ang irereseta sa kanya. Dun na niya nabanggit na dahil yun sa pambubugbog ng mga pulis na humuli sa kanya,” ayon kay Rasol.

Ang isa sa kapatid nina Rasol ang nagtungo sa Madridejos Police Station upang ipa-blotter ang umano’y pambubugbog.

“Pagdating ng kapatid ko sa stasyon ng pulis ayaw maniwala nung nandun na binugbog si Redentor. Tinawagan siya nito at pilit na pinapaalala kung sinu-sino ang gumawa nun sa kanya,” sabi ni Rasol.

Hindi daw alam ni Redentor ang pangalan ng mga pulis ngunit ang nakikilala niya lang dun ay ang isang nagngangalang Barco.

“Kilalang abusado yang si Barco sa lugar namin,” ayon kay Rasol.

Sa impormasyong nakuha nakita nila kung sino ang mga naka-duty na pulis nang mga panahong yun. Dun nila binase kung sino ang kakasuhan.

Pansamantalang namalagi sa ospital si Redentor at inihahanda para ilipat sa mas malaking ospital dahil kulang sa kagamitan.

Kinabukasan…ika-30 ng Enero 2012…bandang alas 11:30 ng umaga namatay si Redentor.

“Nung burol ng kapatid ko dumating daw ang hepe kasama ang ilang pulis at si Barco,” salaysay ni Rasol.

“Nandito ako para malaman ng tao na wala akong kinalaman sa nangyari,” sabi umano ni Barco sa lamay.

Iniabot din nito sa pamilya nila ang cell phone ng kapatid.

May mga nag-imbestigang pulis sa pagkamatay ni Redentor. Nang dumating ang resulta ng autopsy hindi kumbinsido ang pamilya kaya humiling sila ng panibagong susuri sa katawan.

“Sabi raw ng doktor bulate ang dahilan kung bakit sumasakit ang tiyan ni Redentor,” wika ni Rasol.

Nagbigay din ng mga salaysay ang ilang nakausap ni Redentor bago siya mamatay. Ayon sa salaysay ng doktor na sumuri kay Redentor pagdating sa ospital na si Dr. Jatuporn Andre Vatanagul, noong Enero 29, 2012 bandang alas dose ng hapon may dumating na lalaki na dumadaing ng labis na pananakit ng tiyan.

Nung una hindi pa ito nagtapat ngunit kalaunan ay sinabi niya na na ito’y dahil sa binugbog siya ng tatlong pulis. Dahil sa kulang ang kanilang kagamitan sinabihan nilang kailangan itong dalhin sa mas malaking ospital.

Si P/CInsp. Joe Martin Fuentes, Medico Legal Officer sa Bantayan District Hospital ang nag-autopsy sa bangkay. Sa resulta ng eksaminasyon nakalagay na may bulate (presence of Ascaris Lumbricoides) na maaaring naging dahilan ng pagbubutas-butas ng gall bladder ng biktima.

Hindi kumbinsido ang pamilya ni Redentor kaya kumilos sila.

Ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang humawak ng imbestigasyon dito.

Sa autopsy report na muling isinagawa ng medico legal officer ng NBI, ang dahilan ng pagkamatay ay ‘Perforated Gallbladder’.

Ang ibig sabihin nito ay nagkabutas ang kanyang pantog at dahil dito nadamay ang bituka at pumutok ito (Peritonitis). Kumalat ang mga laman sa buong katawan na nakalalason kaya siya namatay.

Ang dahilan daw dito ay may matigas na bagay na tumama sa parte ng kanyang pantog.

Maari raw hindi magkaroon ng mga ‘external injuries’ sa bandang tiyan dahil ang lugar na ito ay malambot at may katangiang nababanat (elastic) at bumalik sa dating porma na hindi nag-iiwan ng marka o pasa man lang.

Ang NBI na din ang nagsampa ng kasong ‘Homicide at Grave Misconduct’ laban sa mga pulis na sina PO2 Jeffrey M. Barco, PO2 Mamerod S. Caracena, PO2 Michael Forrosuello ng Cebu Provincial Office at kina PO3 Favio A. Daplinan at PO2 Joel Pino ng Madridejos Police Station.

“Off-duty ako nung mga panahong yun at kasama ko ang pamilya ko. Nagulat na lang ako nang malaman kong isa ako sa inakusahang nambugbog sa kanya,” wika ni Barco.

ABANGAN ang panig ng mga pulis na inakusahan ng pambubugbog at maging ang resulta ng ikalawang autopsy na isinagawa sa bangkay sa BIYERNES. EKSLUSIBO dito lang sa PSNGAYON.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

BANTAYAN DISTRICT HOSPITAL

BARCO

ENERO

LANG

PULIS

RASOL

REDENTOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with