Opisyales ng DOTC likas ding bulaan
UGALING manlinlang ng opisyales ng Dept. of Transportation and Communications (DOTC), lalo na tungkol sa Metro Rail Transit-3.
Nitong nakaraang tatlong linggo miya’t-miya humihinto ang operasyon sa iba’t ibang dahilan. Kesyo binaha ang bahagi ng riles na ground level. Kesyo bumigay ang radio communications repeater. At tumitirik na lang basta sa riles ang mga tren.
Puro “sorry” lang sa pasaheros sina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at MRT-3 GM Honorito Chaneco. Tahimik sila sa tunay na isyu: Ang palpak na maintenance ng Global Inc.-Autre Porte Technique.
Konting ulan lang bumaha na ang kanal sa gilid-riles kasi sira ang submersible water pumps; hindi tinesting ang Global bago mag-tag-ulan. Nang tumigok ang radio repeater, dapat nag-switch agad sa all-day cell phones, pero walang naka-standby na gamit ang Global. “Mechanical failure” kuno ang sanhi ng mga pagtirik ng tren. At nang mag-overshoot sa istasyon at nadiskaril ang isang tinutulak na tumirik, sinuspindi agad ang driver; kinalimutan na tumirik ang tren kaya kinailangan itulak.
Bakit hindi masisi nina Abaya, presidente ng naghaha-ring Liberal Party, at Chaneco, dating kaklase niya, ang Global? Kasi kontrolado ito ng LP financier at kumpare ni Abaya na si Marlo dela Cruz. Kinontrata nila si Dela Cruz nang $1.4 milyon (P63 milyon) kada buwan -- walang bidding -- Sept. 2013-Sept. 2014. At ie-extend nila ito nang isang taon -- negosasyon lang din -- bago mag-expire sa Sept. 4. Kasi raw, wala nang panahon mag-public bidding, na aabutin nang tatlong buwan. Kung bakit hindi sila nagpa-bidding mula pa nu’ng July, wala ring paliwanag.
“Kapos panahon” din ang palusot ni Abaya at noo’y MRT-3 GM Al Vitangcol (sibak na) nang kontratahin ang PH Trams-CB&T nu’ng Oct. 2012. Dalawang buwang gulang pa lang ang PH Trams at walang alam sa railways, pero binayaran ng P517.5 bilyon sa loob ng sampung buwan. Ang chairman ng PH Trams ay walang iba kundi si Marlo dela Cruz din.
- Latest