Danyos sa biktima
MALAKI ang pagkagusto ni Max sa kolehiyalang si Tita. Kapitbahay niya ito. Noong una, umiiwas si Tita kay Max sapagka’t batid niyang may asawa na ito at iskandalo ang idudulot kung magkakaroon sila ng relasyon. Kaya lang parang lalo pang nahahamon ang lalaki sa pag-iwas na ginagawa ng babae.
Hindi na nakapagpigil si Max kaya kinidnap si Tita. Pinainom ng gamot at saka ginahasa. Naulit ang panggagahasa sa dalaga hanggang sa mabuntis ito at napilitang huminto sa pag-aaral.
Napuno na si Tita at pamilya nito. Di nila alintana ang iskandalong mangyayari. Dinemanda na nila si Max para humingi ng danyos, suporta sa bata at bayad sa abogado. Kinontra naman ito ni Max. Argumento niya ay paano hihingi ng suporta para sa sanggol si Tita samantalang hindi pa naman ito ipinapanganak. Tama ba si Max?
MALI. Kahit hindi pa ipinapanganak ang isang sanggol ay pansamantala na itong binibigyan ng personalidad ng batas (Art. 40 New Civil Code), lalo at ang layunin ay para rin sa ikabubuti ng bata. May karapatan ang hindi pa naipapanganak na sanggol para humingi ng suporta sa mga gumawa sa kanya lalo at sa ganitong kaso na hindi naman itinatanggi ni Max na siya ang ama. Katulad ito sa nakasaad sa Art. 742 ng Civil Code kung saan puwedeng bigyan ng donasyon kahit ang hindi pa naipapanganak na sanggol. Sa katunayan, sa testamento nga, kung sakali at nakalimutan na isama ang ipinagbubuntis, ang puwedeng resulta nito ay ang pagpapawalambisa ng testamento dahil hindi naisama sa paghahati ng mana ang isang legal na tagapagmana kahit sabihin pa na naipanganak siya pagkatapos mamatay ang kanyang ninuno (Art. 854 New Civil Code).
Ang isa pang dahilan kung bakit papayagan ang pagbibigay ng suporta ay dahil may-asawang tao ang lalaki pero sa kabila nito ay nagawa pa niyang gahasain ang babae na hindi naman niya asawa. Dahil sa kahayupang kanyang ginawa ay dapat lang niyang bayaran ng danyos ang kanyang biktima (Quimiguing vs. Icao, 34 SCRA 132).
- Latest