^

PSN Opinyon

Nang malasing si ‘Moses’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

NAGSITAYUAN ang mga taong nasa umpukan ng marinig ang malakas na pagkalabog sa lupa… sa unang dinig parang may mabigat na bagay na nahulog at nahati sa dalawa.

Ganito nabulabog ang isang lamay sa Barangka Drive, Mandaluyong City… ika-26 ng Hulyo 2014 nang basagin daw ni Renato “Natong” Macabuhay, 58 taong gulang ang marmol gamit sa ‘kara-krus’.

Nagwala raw itong si Natong sa burol at binasag ang marmol (gaya ng ginawa ni ‘Moses’ ng mainis siya matapos niyang tanggapin ang bato na may sampung utos ng Diyos).

“Ang kwento, hindi daw kasi binibigay sa namatayan yung tong kaya binasag raw niya yung marmol,” sabi ng magkapatid na Macabuhay.

Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-ate na sina Perlita “Pearly” Moeller, 30 anyos at Ria Macabuhay, 27 taong gulang taga Mandaluyong City. Inihingi nila ng tulong ang pagkakulong ng amang si Natong.

“Ang sabi samin kanang kamay daw ni Kapitan… si Xo, Lunes makakalabas na ang tatay… para lang magtanda pero Martes nasa loob pa rin siya,” ani Pearly.

Sampung magkakapatid sina Pearly. Sa Barangka Drive na sila lumaki. Nagkaroon na ng pamilya ang iba niyang kapatid maging siya kaya’t ang naiwan na lang sa Mandaluyong sina Ria at ilan pang kapatid.

“Sa Fairview ako umupa mula ng makapag-asawa ako ng isang German National. Minsan na lang ako bumisita kina Tatay,” sabi ni Pearly.

Pagba-‘buy and sell’ ang kinabubuhay ng ama at ina nila Pearly. May sarili silang dyip kung saan nila sinasakay ang mga pinamiling gamit. Dito na rin daw natutulog si Natong at asawa nitong si Wilma,  59 taong gulang.

“Uso ang nakawan sa amin kaya dun na sila natutulog sa loob ng dyip para mabantayan na rin,” ani Pearly.

Ika-26 ng Hulyo 2014, araw ng Sabado, bandang 8:30 ng gabi… ga­ling nun sa paglalakad ng mga papeles si Pearly kaya’t sa Mandaluyong siya tumuloy.

“Ate si Papay dun nakikipag-away ata!” sabi ng kanilang bunso.

Agad na lumabas sina Pearly at Ria. Sa dyip sila dumiretso. Naabutan na lang nila ang amang lasing at nagwawala sa ulan, “Hindi ako sasama! Hindi!” sabi ni Natong habang nakapalibot  daw sa kanya ang mga tanod ng Brgy. na noo’y dala umanong posas at batuta.

Ayaw pahuli ni Natong kaya’t nagpaikot-ikot daw ito sa loob ng bilog na nabuo ng mga nakapalibot na tanod.

“Kami na po magdadala sa kanya sa barangay…” pakiusap ni Pearly.

Mabilis nilang inuwi sa bahay si Natong at binihisan.

“Tay, sumama ka ng maayos…” sabi nila.

Maya-maya kumatok ang dalawang pulis Mandaluyong at hinanap si Natong. Agad itong sumama’t dumiretso sila sa Brgy. Umalis agad ang mga parak.

Mula sa maliit na opisina ng barangay lumabas na lang daw ang Exe­cutive Officer (XO) ni Kapitan Darwin Fernandez na si James Hugo. Kasama raw nito ang namumuno sa mga tanod na si Rodjen Perez o “Ampoy”.

Nun lang raw nalaman nila Pearly na sa kara-krus pala nagsimula ang gulo.

Kaibigan daw kasi ng kanyang ama ang namatay kaya’t sumama ang loob nito ng malamang hindi umano binibigay ang tong.

Inutos ni James sa kanyang mga tao na ipa-medical si Natong. Ayaw sumama ni Natong at nagpumiglas.

“Maya-maya na po siguro kapag nahimasmasan na si Tatay,” pakiusap ni Pearly na noo’y kumandong na sa ama para lang pakalmahin ito.               

Hinila ng isang tanod ang upuan ng ama na noo’y nakasandal sa pader kaya’t lalo itong nagpumiglas. Tumayo ito… nakorner ng mga tanod at nangudngod daw itong sa lamesa saka naposasan.

Sinakay siya sa mobile at pina-medical sa Mandaluyong Hospital.  Pagbalik sa sasakyan. “Kuya saan dadalhin ito?” tanong ng magkapatid.

“Sa barangay lang!” sagot daw sa kanila subalit nagulat sila ng sa Pulisya ng Mandaluyong pinunta si Natong.

Nakiusap daw si Pearly kay James na kung pwede palagpasin na lang ang ginawa ng ama. “Sabi ko nakainom lang si Tatay…” ani Pearly.

Matigas na sabi umano nito, “Para maturuan lang ng leksyon. Hanggang Lunes lang…”

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, base naman sa salaysay na ibinigay nila Rodjen Perez o “Ampoy” at James Hugo at Josefino “Boy” Pecson  para sa kasong Alarm and Scandal at Resistance and Disobedience: matapos nilang rumisponde sa pagbasag nito si Natong sa marmol, pagwala at pagpapatigil sa sugalan pinagmumura pa raw ni Natong ang mga tanod at akma raw itong bumunot ng balisong sa kanyang bewang kaya’t humingi na raw sila ng tulong sa Bantay Bayan na si James Hugo  at  BB Josefino Pecson.

Nang nakita ni Natong na may hawak na ‘probaton’ si Bong nagalit ito at naghamon ng suntukan. Hinubad ang kanyang suot na damit at binalot sa kamao.

Nakiusap ang mga anak nito na pakalmahin muna ang ama kaya’t ‘di muna nila dinala. Makalipas ang kalahating oras wala pa ito kaya’t pinasundo na nila sa pulis. Pagdating sa barangay nagmumura pa raw ito at naghamon ng suntukan.

Diretso kulungan si Natong. Naghintay sila Pearly na makalabas ang ama kina Lunesan subalit walang paglayang nangyari kaya’t nagpunta siya sa amin. 

Itinampok namin sila CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN)

Kinapayam namin sa radyo si Mr. Jimmy Isidro ng Mayor’s Action Team Mandaluyong City at iparating ang reklamo ng magkapatid na Macabuhay.

Sinabi niyang kilala niya itong si Kap Fernandez at XO nitong si Hugo.

“Ang alam ko wala si Kapitan nung petsang may nangyaring ganito. Nasa seminar siya. Hindi ko alam kung alam yan ni Kap…” ani Jimmy.

Para maasistehan sina Pearly pinapunta namin sila sa Mayor’s Action Team.

Ika-30  ng Hulyo 2014, nakausap mismo nila Pearly si Kap. Fernandez. Diretsong humingi ng dispensa ang magkapatid sa inasta ng ama.

“Pagsabihan niyo na lang tatay niyong wag ng iinom ng alak!” sabi nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maaaring napuno na rin itong mga taga barangay, ang kanilang Executive Officer at Punong Barangay kaya’t tinuluyan na nila ito ng kaso sa Prosecutor’s Office. Sana magsilbing leksyon ito na ang barangay ang pinaka-unang hantungan ng pamahalaan bago pa ito tuluyang mauwi sa husgado. Kung saan maaari kang masintensiyahan na nakatatak na sa pangalan mo ito na panghabambuhay. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

BRVBAR

DAW

JAMES HUGO

KAYA

LANG

NATONG

PEARLY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with