‘Kawalang-ngipin ng batas’
NAAKALA ng ilang mga naninirahan sa probinsya na maganda at mas maayos mamuhay sa Metro Manila. Tumatak sa kanila ang persepsyon na Maynila ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan dahil narito ang magagandang oportunidad at kapalaran.
Lingid sa kanilang kaalaman, walang kasiguraduhan ang pamumuhay sa syudad. Nandito ang lahat ng mga masasamang elemento at BITAG ni kamatayan.
Dahil habang lomolobo ang populasyon, tumataas ang kriminalidad. Dumadami ang mga pusakal at kriminal sa lansangan. Lumalala ang trapiko, palyado ang mass transport dahil sangkaterbang mga palpak, pabaya at burara ang mga nakaupo sa Department of Transportation and Communication (DOTC).
Sa mga tren, partikular sa metro rail transit (MRT), halos linggo-linggo, kung hindi disgrasya, may aberya. At ang laging sinisisi, mga pobreng drayber at empleyado.
Dalawang linggo na ang nakararaan, walang-awang ginahasa at pinatay si Anria Espiritu ng tatlong kalalakihan sa Calumpit, Bulacan. Hanggang ngayon hindi pa rin nareresolba ang krimen.
Hindi na ito bago sa publiko. Pangkaraniwan nalang itong laman ng balita at itinuring na nilang kabahagi na ng kanilang buhay. Para bang “swertehan” nalang kapag ang isang indibidwal ay natyempuhan ng mga masasamang-loob dahil sa kawalang seguridad at katiyakan sa lansangan. Samantalang sa ibang mga mauunlad na bansa, napakalaking isyu na ito at usap-usapan na sa mga komunidad. Hindi sila tumitigil hanggat hindi natutugis ng mga awtoridad ang may sala.
Hindi ganito ang sistema sa Pilipinas. Karamihan sa mga kaso hindi na nareresolba at nababaon nalang sa kalimot. Dahil walang ngipin ang batas at kilos-pagong ang mga awtoridad. Bagamat ipinagmamalaki ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 15% ang krimen sa buong bansa, nananatili ang negatibong persepsyon at mababang trust rating ng mga mamamayan sa ahensya.
Araw-araw, marami pa rin ang mga nabibiktima ng patayan, panggagahasa at iba pang mga karumal-dumal na krimen. Nagkakaiba lang sa pangalan, edad at tirahan ng biktima pero ang pamamaraan, iisa. Dahil sa tumataas na kriminalidad, marami ang nagsasabi na panahon na para ibalik ang death penalty sa Pilipinas pero unang-una nang kumukontra dito ang Commission on Human Rights (CHR).
Tulad ng paulit-ulit kong sinasabi sa aking programang BITAG Live, hangga’t hindi siniseryoso ng pamahalaan ang central communication system, hindi bababa ang krimen sa bansa at lalo lang lalakas ang loob ng mga demonyo sa lupa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest