Walang karapatang maghabol sa mana
TATLONG buwang gulang pa lang si Angelina nang iwanan siya ng kanyang inang si Linda sa pinsan nitong si Marta at asawa nitong si Jimmy. Walang anak ang mag-asawa kaya inampon ang bata. Matapos ang siyam na buwan, muling nag-ampon ang mag-asawa. Isang 15-araw na gulang na sanggol ang kanilang inampon at pinangalanang Jessica. Si Jessica ay anak naman ng isa pang pinsan ni Marta na si Cora.
Noong 17-anyos si Angelina at si Jessica naman ay walong taong gulang, nagdesisyon ang mag-asawa na pormal na ampunin ang mga ito. Sila naman daw ang tumayong magulang ng mga bata at simula’t sapul ay hindi na nila nakagisnan ang tunay na magulang kahit pa anong paghahanap ang gawin ng mag-asawa sa mga ito.
Sa paglilitis ng kaso ay may itinalagang “guardian ad litem” o tumatayong bantay ng mga bata na nagbigay ng kanyang pirmadong permiso sa pag-ampon. Matapos ang paglilitis at naipasa na ang lahat ng ebidensiya, pinagbigyan ng korte ang petisyon ng mag-asawang Marta at Jimmy. Ipinag-utos ng korte na malaya na ang dalawang bata sa obligasyon nila sa tunay na magulang at ganap na silang anak nina Marta at Jimmy.
Walong taon matapos ampunin ang mga bata ay namatay si Marta. Wala siyang naiwang testamento o kahit huling habilin pero marami siyang naiwang ari-arian. Nagsampa ng petisyon si Jimmy sa korte para pormal na paghatian nila nina Jessica at Angelina, bilang tanging tagapagmana, ang naiwanang ari-arian ni Marta.
Ang kaso, matapos ang may 20 taong pananahimik, biglang sumulpot sina Linda at Cora bilang magulang ng dalawa at bilang pinsan ni Marta. Nakialam sila sa kaso at kumokontra sa petisyon ni Jimmy. Ayon sa kanila, sila lang ang tanging tagapagmana ni Marta dahil sila ang mga pinsang-buo ng babae. Hindi raw masasabi na pormal na inampon ni Marta sina Angelina at Jessica dahil hindi naman daw sila pumayag sa pag-ampon na nangyari. Ayon din sa kanila, hindi puwedeng maging tagapagmana si Jimmy dahil may nauna itong pinakasalan kaya walang bisa ang kasal nito kay Marta. May karapatan ba silang maghabol sa mana?
WALA. Sa ilalim ng batas, hindi kailangan ang pagpayag ng mga magulang sa pag-ampon sa kanilang anak. Lalo at kung inabandona ng tunay na magulang ang bata. Sapat na ang pagpayag ng itinalagang “guardian ad litem”. Sa kasong ito, ilang taon na sina Angelina at Jessica na nakatira kina Marta at Jimmy. Si Angelina ay halos tatlong buwang gulang pa lang nang ipamigay ng ina samantalang si Jessica ay 15 araw lang ang edad. Mula nang ipamigay ang mga bata ay walang naging balita ang mag-asawa tungkol sa kanila. Sapat na ang mga sirkumstansiyang nabanggit para mapatunayan na inabandona ang dalawang bata. Ang pag-abandona na ginawa nina Linda at Cora ay matibay na ebidensiya ng ha-ngarin ng isang tao na talikuran ang obligasyones at responsibilidad niya sa anak. Malinaw na kapabayaan at tuwirang pagtanggi ito na ibigay sa bata ang dapat ay pagmamahal at pag-aarugang nararapat sa isang anak.
Tama lang na ideklarang legal at may bisa ang ginawang pag-ampon kina Angelina at Jessica. Sa Articles 973 at 1003 ng Civil Code, walang karapatan ang mga pinsang-buo na maghabol ng mana kung mayroong legal na ampon ang namatay.
Tungkol naman kay Jimmy, ipagpalagay man natin na totoong hindi sila tunay na kasal ni Marta, wala pa ring magbabago dahil wala pa ring karapatan sina Cora at Linda na maghabol ng mana at makialam sa kaso (Santos v. Aranzanso, 16 SCRA 344).
- Latest