EDITORYAL - Ngipin pa sa PDEA
MABIGAT ang nakaatang na responsibilidad sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya nararapat na dagdagan pa ang kanilang ngipin at gawing moderno ang kagamitan para madaling malipol ang mga salot na drug traffickers. Ang pagkakaroon ng mga drug testing at examination facilities sa maraming lugar sa bansa ay malaki ang maitutulong para mapabilis ang pag-prosecute sa mga salot sa lipunan.
Marami na ngayong addict sa shabu. Dati ang mga maykaya lamang ang nakakabili ng shabu pero ngayon, nakakabili na rin ang mga jeepney at traysikel drayber at mga tambay. Noong nakaraang linggo, ginahasa at pinatay ang isang 25-ayos na dalaga sa Calumpit, Bulacan. Mga addict na jeepney driver ang gumahasa sa kanya. Sumakay ang babae sa jeepney pero sa halip na mamasada sa ruta, dinala sa liblib ang dalaga at ginahasa at saka walang awang pinatay. Inamin ng mga suspect na naka-shabu sila.
Pati mga menor-de-edad ay naaadik na rin sa shabu. Noong nakaraang taon, isang 7-taong gulang na batang babae ang ginahasa at pinatay sa San Dionisio, Parañaque. Ayon sa mga suspek, kinidnap nila ang bata na noon ay nasa harap ng sari-sari store at dinala sa isang lugar at doon ginahasa. Nilunod nila ang bata hanggang sa mamatay. Pagkaraan, tinext nila ang ina ng bata at sinabing ang bangkay ng bata ay nasa creek na maraming water lilies. Inamin ng mga suspect na nag-shabu sila.
Marami pang malalagim na krimen na nangyari dahil sa pagkasugapa sa shabu. At walang ibang dapat sisihin sa pangyayari kundi ang mga “salot” na drug traffickers. Hindi sila tumitigil sa operasyon at nagpapalakas pa. Marami silang pera para mapalaganap ang illegal na droga.
Triplehin pa ng PDEA ang kanilang pagsisikap para madurog ang sindikato. Dagdagan ang kanilang ngipin at pagkalooban ng mga kagamitan na wawasak sa mga salot ng lipunan. Hindi lamang mga kabataan ang sinisira ng drug traffickers kundi pati mga propesyunal. Makiisa naman ang mamamayan sa pagsugpo sa illegal na droga.
- Latest