Peryahan
NAGSARA ang mga peryahan sa Cavite sa utos ng provincial director na si Sr. Supt. Joselito Esquivel matapos makita ng aking espiya, he-he-he! Sa biglang tingin, ang akala ng mga suki ko sa Cavite ay hulog ng langit na si Esquivel at ang kapakanan ng mga Cavitenos na ang nasa isipan at hindi ang pitsa-pitsahan. Subalit, itong pagsara pala ng mga peryahan ay gimik lang ni Esquivel at ng bagman niya na si SPO4 Marlon Garcia. Sa ngayon kasi, hinihiritan nina Esquivel at Garcia ang financiers ng perya ng goodwill na P30,000 kung sa bukid ang puwesto at P80,000 naman kapag sa bayan para makapagbukas lang. Siyempre mga suki, may nakapagbigay at meron ding hindi. Magaling pala sa pagkaperahan ang mag-among Esquivel at Garcia, ano mga suki? Kinuha ni Garcia ang adik na si Landong Bulag bilang kolektor niya nang maitago ang sarili sa birada sa diyaryo.
Subalit sa panahon ngayon ng hi-tech gadgets, may maitatago ka pa ba? Ano sa tingin n’yo mga suki? He-he-he! Kaya pala sandamakmak ang krimen sa Cavite e itong pagkaperahan ang inuuna ng provincial director nila! Subalit dapat ipasara rin nina Esquivel at Garcia ang lotteng nina Jun, Mamang at Curungkong sa Dasmariñas, at ang puesto piho ni Tessie sa palengke ng Silang, di ba mga suki? Hindi naman makatarungan kasi na sarado ang mga peryahan subalit bukas ang illegal nina Jun, Mamang, Curungkong at Tessie? Kung si Garcia ay nagtatago sa Cavite, si PO3 Jhong Valera, na bagman ni Sr. Supt. Omega Jireh Fidel, ang provincial director ng Batangas ay lutang na lutang. Si Valera mga suki ay naka-assign sa CIDG, subalit siya ang binasbasan ni Fidel na mangolekta ng pitsa sa mga illegal para sa opisina n’ya.
Si Valera naman ay gamit si Aleng Tessie bilang kolektor ng lingguhang intelihensiya sa mga naglilipanang peryahan sa Batangas, hehehe! Get’s n’yo mga suki? Kung sa Cavite ginawang milking cow nina Esquivel at Garcia ang mga peryahan, ganoon na rin sa Batangas. Kasi nga, hindi ginagalaw nina Fidel at Valera ang mga peryahan dahil sa weekly parating sa kanila. Bueno, para sa kaalaman ni Col. Fidel at Valera ang peryahan ni Tessie sa Batangas ay matatagpuan sa Bgy. San Miguel na ang bantay ay si Carlito Kunat, Bgy. Banaba at Kabayan, lahat sa Padre Garcia; Bgy. San Roque na ang bantay ay si Denden sa Sto. Tomas; kay Denden din sa bayan ng San Nicolas; sa Bgy. Magapi Balete sa Batangas City at sa Bgy. Quezon sa Lipa City. Anong say kaya ni Batangas Gov. Vilma Santos sa naglilipanang peryahan sa probinsiya ‘nya? Magkano kaya ang dahilan? Abangan!
- Latest