^

PSN Opinyon

‘Matamis na mangga, Umasim’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

SA negosyo parang ipinupusta mo ang iyong pera. Kapag dumating ang swerte, buhos na parang malakas na ulan…tatabo ka. Subalit tamaan ka ng tagtuyot daig pa ang sinalakay ka ng sandosenang peste.

Tinutok umano sa kanya ang balisong na may apat na butas. Mahigpit ang hawak nitong si ‘Ka Fermin’ nanginginig ang kanyang kamay at gigil na gigil sa galit dito sa 60 anyos. “Patayin kita… gusto mo!” banta umano nito.

Ito ang salaysay sa amin ng ginang na si Filomena ‘Mena’ Javier sa insidenteng sinapit niya umano sa tuwing maiisip niya ay binabalot siya ng kilabot.

“Sa dibdib ko nakatutok ang balisong kaya alam ko nung panahon na yun muntik na niya kong mapatay sa galit,” ayon kay ‘Mena’.

Mula Tanauan, Batangas natungo sa amin si Mena. Kinwento niya kung paano umano natigil ng isang matanda ang tiyak daw niyang kamatayan.

“May sumilip sa bodega niya, naghanap ng mangga. Dun nabaling ang atensyon niya kaya kumawala ang kamay niya sa noo’y nakatutok na balisong sa’kin…” kwento ni Mena.

Nakapagtapos si Mena ng kursong BS Accounting sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Nagtrabaho siya sa opisina subalit nauwi siya sa pagtitinda sa palengke. Iba’t-ibang produkto ang binenta niya, isda, gulay at karne hanggang nung taong 2000 prutas na ang kanyang tininda.

Maayos nung una ang bentahan. Ang timano kumukuha si Mena ng  mga inangkat na prutas sa mga bodegero. Kadalasan mga mangga ito galing Divisoria.

Pahihinugin nila sa loob ng limang araw ang mangga (pagpapakulob) saka ibebenta sa halagang Php1,000 kada kaing. Maibebenta niya ito ng P1,200. Kapag maraming benta kikita siya ng Php500 kada kaing ‘pag mahina… wala talaga,

“Saka na ang bayad pagkaubos. Kapag ka walang kita abonado,” aniya.

Sa iba’t ibang bodega kumuha ng paninda si Mena. Isa sa kinukuhanan niya ang mag-asawang Fermin at Lily Lat.

Ayon kay Mena, dati na umano siyang nagkaproblema kay Lily.

“Nakarating saking sinabi ni Lily na kaya raw hindi ako nakakabayad sa kanya nun nanlalaki ako,” kwento ni Mena.

Nagreklamo sa barangay si Mena. Pinagharap sila ni Lily. Nanghingi raw  ito ng pasensya at nangakong kakausapin ang pinagsabihan niya para ‘di na kumalat ang balita. Wala na raw siyang planong pansinin si Lily sa sama ng loob subalit nakiusap daw ang kapatid nitong tindero rin at humingi ng dispensa.

“Pinagbigyan ko siya. Sabi ko pagsabihan niya kapatid niya,” aniya.

Lumipas ang dalawang taon, nagpansinan sila muli. Kumuha ulit ng mangga si Mena sa mga Lat. Maayos ang naging transaksyon nila. Nitong huli lang nagkaproblema nung buwan ng Pebrero 2014, nalugi ang kanyang paninda.

Nagkaroon ng  itim-itim na parte ang mga mangga. Sa tumal din ng mga bumibili, hindi na nakabenta ni Mena at tuluyan lang itong nabulok.

Umabot sa Php17,000 ang utang ni Mena sa mga Lat. Sinabi niya agad kina Lily at Fermin na titigil na muna siya sa pagkuha ng prutas at huhulugan niya na lang araw-araw ang utang hanggang makabayad.

“Ang gusto niya magbayad ako agad, e wala naman akong magpagkukunan,” sabi ni Mena.

Mula sa pagtitinda ng mangga nauwi sa sigarilyo at Pizza ang tininda niya sa palengke. Kapag nakaipon siya ng Php500 binabayad daw niya agad kina Fermin.

Mayo 2014, hindi na nakahulog si Mena. Ika-27 ng Hunyo, siningil siya anak ni Fermin na si ‘Long Hair’ at  naningil. Agad nag-abot ng P500 si Mena.

Ika-29 ng buwan si Fermin naman ang naningil. Ibinibigay ni Mena ang P1,000 subalit ayaw na niya tanggapin. Limang libong piso raw ang gusto nito.

“Ka Fermin wala akong ganung pera,” sabi ni Mena.

Ika-30 ng Hunyo 2014, pumunta si Mena sa bodega nila Lat para magbayad ng Php2,000 subalit wala si Fermin. Bumalik siya kinahapunan, bandang 5:00PM.

Kwento ni Mena, hindi pa siya nakakapasok sa loob hinawakan siya ng mahigpit sa braso ni Fermin at akma siyang susuntukin.

“P*7@#*6 i#@ mo! Hayop ka demonyo ka ‘di ka nagbabayad ng utang mo,” sabi umano ni Fermin ayon kay Mena.

Napapkit si Mena at napahawak sa pinto. “Ang gulat ko talaga!” aniya.

Hinawakan siya nito sa mukha… pinisil sa magkabilang pisngi at dinukot umano ang nakasuksok na balisong sa pantalon sabay tutok sa dibdib nito. “Patayin kita gusto mo? Kahit magdemanda ka pa!” sabi umano nito.

Akala ni Mena katapusan na niya… mabuti na lang at may matandang sumilip sa bodega at nagtanong, “May hinog ba kayong mangga?”

Nabaling ang atensyon ni Fermin sa bumibili at mabilis na nakawala si Mena. Nanakbo siya at nagsumbong sa isang tindero.

Dumiretso siya sa baranggay kinagabihan. Nagpa-blotter siya at sinabi sa kanyang magpa-medical examination.

Hulyo 1, 2014, pinabalik siya ni Kapitan. Pinapunta ulit siya kinabukasan subalit hindi na raw sila pinagharap pa nila Fermin.

“Tinanong niya kung magkakaayos pa ba kami? Humindi ako, ayun  binigyan na ako ng Certificate to File Action (CFA) para makapagsampa ng kasong Grave Threat and Physical Injuries,” ani Mena.

Dumiretso raw si Mena sa pulisya para magpatulong magsampa ng kaso subalit sinabihan daw siyang bumalik sa baranggay, magpangharap muna sila ng tatlong beses at saka siya kumuha ng CFA.

Nakapagbayad na raw si Mena ng Php7,500 kina Lat at P9,500 na lang daw ang utang niya sa mga ito. Gusto niya malaman ang ligal na hakbang maaring gawin kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dapat dumaan muna sa barangay ang reklamo ni Mena subalit kung totoo ang kwento niyang idiniin na umano ni Fermin ang balisong sa kanyang dibdib kung ‘di lang dumating ang isang mamimili at natigilan ito…maaaring maisampa ang kasong Attempted Homicide.

Kung magkokontra demanda naman ang mga kaaway ni Mena dahil dati na siyang kumukuha meron ng tinatawag na ‘client-buyer relationship’. Wala namang lokohan na dating nangyari kundi nagkaroon lang ng problema ngayon. Sa katunayan nakapagbayad na siya ng Php7,500, isang pagpapatunay na hindi nila tinatalikuran ang usaping ito kundi minalas lamang.  Maliwanag na isang kasong sibil babagsak ito, paniningil ng utang (Collection of Sum of Money). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

FERMIN

IKA

KAPAG

MENA

NIYA

SIYA

UMANO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with