‘Sayonara…’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
MGA itim na bakas sa mukha na parang mga pasa… sa uwang ng nakakangangang bibig kita ang basag-basag nitong ngipin.
“Ito po ba sa tingin ninyo nagpakamatay ‘to?” tanong ni ‘April’ sabay pakita ng larawan ng tiyahing si ‘Noemi’ habang nakabalot ng puting tela ang katawan at mukhang ka-eembalsamo pa lang.
Ika-14 ng Abril 2014, nagsadya sa aming tanggapan si April Santos, 28 anyos ng Pasig City. Inilapit niya sa amin ang sinapit ng kanyang tiyahing si Rosalinda “Noemi” Nakamura, 39 anyos matapos matagpuang patay sa loob ng kanyang kwarto sa Osaka, Japan.
Hindi lubusang maikwento ni April ang detalye sa pagkamatay ng tiyahin kaya’t kinapanayam namin sa aming programa sa radyo, Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN) ang kapatid ni Noemi nung Abril 15, 2014.
Ayon kay Edson Dimalanta, ika-11 ng Hulyo ibinalita sa kanila ng kaibigan ni Noemi sa Japan na namatay ang kapatid nung ika-10 ng Hulyo. Pagka-‘overdose’ sa gamot umano ang dahilan.
“ ‘Di ko po alam kung anong gamot kasi umiinom po talaga ng gamot ang kapatid ko,” sabi ni Edson.
Si Noemi o “Ariza”, tawag sa kanya sa Japan ay kasal sa ‘Japanese National’ na si Yasuyuki Nakamura. Meron silang apat na anak.
Ayon kay Edson, hiwalay na ang kapatid niya’t asawa nito. Nagkaroon umano ng babae itong si Yasuyuki, isang Koreana. Naiwan sa pangangalaga ng ina ni Yasuyuki ang mga bata. Nasa edad 5 -13 taong gulang.
Walang trabaho si Noemi. Umaasa siya sa pensyon na natatanggap mula sa gobyerno ng Japan. Nagbo-‘board’ siya ngayon at solo na raw sa buhay.
Para lubusang matulungan sina Edson, una pa lang nakipag-ugnayan na kami sa Department of Foreign Affairs kay Usec. Rafael Seguis.
Kinapayam din namin si Usec. sa radyo. Sinabi ni Usec. na pinorward na niya sa Consul General sa Tokyo at Osaka, Japan ang kaso ni Noemi at para agad malaman kung na-autopsy na ang bangkay.
“Ang gusto po namin maimbestigahan kung ano ba talaga ang nangyari at iuwi na lang ang abo ng kapatid ko sa Pinas,” kahilingan ni Edson.
Nagkaroon din kami ng pagkakataon na makausap ang asawa ni Edson sa aming programa. Siya raw ang laging nakakusap ni Noemi. Diresto naming tinanong kung may alam ba siyang pwede maging dahilan para ito’y magpakamatay. Mabilis niyang sagot, “Siya po’y nainom talaga ng gamot kasi mahina po ang ano niya kapag nagagalit po… sleeping pills po pero di ko alam kung ano kasi Japanese medicines po ito.”
Sinara raw agad ang kaso ni Noemi dahil mahigpit daw sa Japan. Na-autopsy daw ito at ng lumabas na ‘overdose’ ang dahilan kinremate ito agad. “July 12 pa lang ng umaga pina-hold na naming ang cremation pero wala kaming nagawa,” reklamo ni Edson.
Dagdag ni Edson, tumawag si Noemi nung ika-7 ng Hulyo 2014 para magpadala ng pera. Wala naman daw itong nabanggit na meron siyang problema. Nakarating umano sa kanila na nung bago ito matagpuang patay nagkaroon nang pagtatalo pa umano si Noemi at biyenan sa kanilang munisipyo.
“Maraming ‘di naniniwala na gagawin magpakamatay ng kapatid ko. Basag-basag po ngipin e buo ang ipin nun. Basag pati nguso niya… kaya nga po nakabuka ang kanyang bibig,” ayon kay Edson.
Para malinawagan kami sa proseso ng pag-autopsy, tinawagan din namin si Dr. Antonio Vertido, Medico Legal Officer, Chief ng National Bureau of Investigation-Region IV. Ayon kay Dr. Vertido, kapag inautopsy ang isang bangkay na ang kaso ay overdose o poisoning ang dahilan ng pagkamatay, ito’y dadaan sa toxicological at histopathological examinations.
Bago ideklara ang isang tao ay namatay sa pagka-overdose kailangang sumailalim sa dalawang tests na ito. Inaaalam pa kung anong ginamit na gamot. Ang laman ng bituka ay isasailalim din sa eksaminasyon, kung may laman itong nakalalason na bagay maiiwan ito sa mga ‘food particles’.
“Bago ma-conclude ito, 5-7 days siguro dahil Japan yan e. Kung sa histopath nasa 2-3 weeks yan dito sa Pilipinas,” ani Dr. Vertido.
Isang araw makalipas namin ilapit ang kasong ito sa DFA, nakatanggap kami ng ulat tungkol sa pagkamatay ni Noemi. Ayon sa pinadala sa’ming email ni Marian Jocelyn R. Tirol-Ignacio, Minister and Consul General Consular Affairs and Assistance to Nationals ng Tokyo, Japan.
Nalaman naming ang kaso ni Noemi ay nasa hurisdiksyon ng Osaka PCG. Dahil hiwalay sa asawa si Noemi at siya’y hawak ng Japanese Government ang lokal na rin ng Japan ang nagdesisyon na ipa-‘cremate’ ito. Mas pinapaboran din daw nila ang cremation at ang paglagak ng labi ay ‘di nila nakasanayan. May ginawa rin daw pag-iimbestiga ang pulis at na-autopsy daw ito.
Hulyo 17, 2014, nakatanggap kami ng email galing kay sa Vice Consul and Administrative Officer Shirley O. Nuevo ng Philippine Consulate General-Osaka. Kalakip nito ang Report galing sa OUMWA kaugnay sa kaso ni Noemi, pirmado ito ni Consul General Maria Teresa Taguiang.
Ayon sa email: ang Kuwana Police ang nag-imporma sa kanila sa pagkamatay ni Noemi. Natagpuan itong patay nung ika-11 ng Hulyo 2014 ganap ng 7:55PM sa sahig ng kanyang kwarto sa loob ng kanyang bahay sa Oaza Kogaisu, Kuwana City, Mie Prefecture.
Inimpormahan sila na nagsagawa ng autopsy ang mga awtoridad dun at nalamang ang dahilan ng pagmatay ng pinay ay ‘Natural Causes/Illness. Hinihinala nilang patay na ito nung ika-7 ng Hulyo bandang 4:40PM.
“Per Post’s verification, Ms. Nakamura does not appear in our database of consular services.”---ayon pa sa email. Sa ngayon gumagawa na ng paraan ang embahada para maiuwi na ang abo nitong si Noime sa Pinas.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung pagbabasehan ang report ng awtoridad ng Japan at ating embahada, sinasabing apat na araw ng patay si Noemi bago ito natagpuan maaring nabubulok na ang katawan nito kaya’t nakakita ng mga pangingitim sa kanyang mga mukha. Ang ‘di namin maintindihan kung bakit basag ang ngipin ni Noemi, kung totoo ang kinwento sa’min ni Edson..
Sa ngayon, ang mahalaga para sa pamilya ni Noemi ay mauwi ang abo nito, bagay na aming patuloy na aasistehan. Patuloy pa rin ang DFA sa pag-‘follow-up’ sa Japanese Gov’t para magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest