Kikilos pa ba?
MABAGAL talaga umikot ang gulong ng hustisya sa bansa, na tila laging pabor sa mga akusado at hindi sa mga biktima. Ilang mga high-profile na krimen ang hanggang ngayon ay tila walang nangyayari. Unahin na natin ang Maguindanao massacre. Nagsalita na ang pribadong abogado ng kamag-anak ng isa sa mga napatay sa nasabing masaker na nasuhulan na ang mga abogado ng gobyerno, kaya napakabagal na ng takbo ng kaso. Siya mismo ay sinubukang suhulan kaya alam niya na may aktibong kumikilos para mabili ang lahat ng abogado ng prosekyusyon. Mariing itinanggi naman ng mga abogado ng gobyerno at hinamon ang nagpahayag na maglabas ng ebidensiya at dalhin sa korte ang kanyang mga akusasyon, kundi baka matanggalan ng lisensya. Nagsalita na nga ang Palasyo at pinagsabihan ang mga abogado na magkaayusan silang lahat. Mapapaisip ka tuloy kung may basehan ang akusasyon, dahil napakabagal nga ng takbo ng kasong ito, sa halip ng mga testigo at ebidensiyang nakalap na.
Isa pa ay ang kasong hazing kung saan pinatay si Guillo Cesar Servando ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi ng College of St. Benilde. Higit isang buwan na ang lumipas pero wala pang inaaresto. Apat nga sa mga suspek ay nakaalis na raw ng bansa, tila patunay sa kanilang mga kasalanan. Pero kung bakit wala pang mga arrest warrant para sa mga ibang suspek ay nakapagtataka nga naman. May kumikilos na rin ba para mabasura na lang ang kaso, kaya tumatagal ang pag-aresto man lang? Pinatatagal para mabaon na rin sa limot o kaya mapagod na lang ang pamilya ni Guillo at mawalan na ng interes sa kaso?
Pati ang kaso laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo ay tila mabagal na rin! Ano na ang nangyayari? May nakatakas na at may dalawang hindi pa isinama sa kaso. May nagawa ba ang dalawang ito kaya hindi sila isinama sa akusasyon? Hindi pa ba sapat ang mga hawak na ebidensiya para umandar ang kaso?
Sa tatlong mga high-profile na kaso, ano ang unang kikilos. O kikilos pa ba, at puro mga mayayaman ang akusado?
- Latest