EDITORYAL - ‘Kapit sa patalim’
KAWAWA naman ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Kapag nagkaroon ng kaguluhan sa pinagtatrabahuhang bansa, apektadung-apektado sila. Naiipit sila sa labanan kaya mistulang mga daga na walang mapunta-han. Hindi nila malaman kung saan susuling lalo na kung umuulan na ng bomba. Gustuhin mang umuwi, hindi magawa dahil baka sila mapahamak sa gagawing paglikas.
Grabe ang nangyayari ngayon sa Libya mula nang sumiklab ang civil war doon noong nakaraang buwan. Mas matindi ang nangyayari ngayon kumpara noong 2011 na nagkaroon ng uprisings na naging dahilan para bumagsak ang diktador na si Moammar Gadhapi. Isang Pinoy ang kinidnap at pinugutan ng ulo sa Benghazi at isang Pinay nurse sa Tripoli ang ginahasa. Ayon sa report, pinugutan ang Pinoy dahil isa itong Kristiyano. Ang Pinay ay dinukot umano ng isang grupo ng mga kabataan sa harap mismo ng tirahan nito at dinala sa disyerto saka halinhinang ginahasa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 113,000 ang OFWs sa Libya at 831 pa lamang ang nare-repatriate mula nang sumiklab ang civil war doon. Karamihan sa mga Pinoy doon ay nagtatrabaho bilang nurses, engineers, technicians sa oil companies, cook, domestic helpers at iba pa.
Hinihikayat ng DFA ang mga OFW na lumikas na sapagkat nagiging grabe na ang sitwasyon doon. Nagbibigay na ang pamahalaan ng libreng repatriation sa mga OFW na gustong umuwi. Ayon sa report, nagiging mahirap na ang paglabas sa Libya sapagkat isinara na ng Egypt at Tunisian ang border crossing.
Pero sa kabila ng pakiusap ng DFA, mara-ming OFW ang ayaw umalis sa Libya. Ayon sa mga OFW, hindi naman daw magulo sa kanilang lugar na pinagtatrabahuhan. Sabi ng mga Pinoy health workers hindi sila pinaaalis ng mga opisyal ng ospital sapagkat magko-collapse ang health care system doon. Ang ilang OFWs, nagsabing hindi sila aalis sa Libya sapagkat mas mahirap ang dadanasin nila sa Pilipinas kung walang trabaho.
Kawawang OFWs na “kapit sa patalim’’ sa Libya. Kailan kaya magkakaroon ng pagkakakitaan sa sariling bansa?
- Latest