^

PSN Opinyon

‘Mga Sisiw sa Selda’ (Huling bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

‘Mga Sisiw sa Selda’ (Unang bahagi)

“LUMABO ang paningin ko at ‘di ko madinig ang dating ali­ngasngas ng dyip sa kalsada dahil sa ginawa nilang pambubugbog!” sabi ni Jay.

Nung BIYERNES isinulat namin ang umano’y pambubugbog na inabot ni Jerome Isada o “Jay”, 35 taong gulang sa mayor ng selda na utos daw ng pulis na si PO1 John Pierre Bautista. Nakadestino sa Plaza Miranda PCP, PS-3 Central Market, Manila District.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, nakapanayam namin sa radyo si P/Insp. Rommel Anicete, Commander ng Plaza Miranda Precinct.

“Alam ko po ang tungkol sa kaso ni mister Isada,” bungad ni Anicete.

Sinabi namin kay Anicete kung itong si Jay ba ay kinasuhan ng Violation of R.O 844 (Breach of Peace), R.O 887 (Resisting Arrest) at Article 151 (Disobedience to Police Officer)? Ito ang mga kasong nakalagay sa kopya ng ‘Inquest Procedings’ nitong si Jay.

Pinarating namin ang mga sugat na tinamo nitong si Jay na posibleng nakuha niya bago pa siya ipasok sa presinto.

Tinanong namin si P/Insp. Anicete kung pwede bang basta na lang nila kapkapan ang taong naglalakad ng walang dahilan?

Mabilis na sagot ni P/Insp. Anicete, hindi naman ‘spot check’ lang ang nangyari. ‘Drunk and Disorder Conduct’ umano.

“Nagsisigawan po sila parang may kaaway sila nung oras na yun. Tapos bago pa yan talaga po silang lasing na lasing, ayon po sa pulis natin,” sabi nito.

“Tapos po ang nangyari po nun, na may mga kausap pa po silang mga babae doon sa Avenida, sa Recto at nakita din po ng mga vendor natin doon na panggabi,” wika kay P/Insp. Anicete.

Nagulpi umano sila sa loob na ng kulungan at hindi totoo ang reklamong nabugbog sila Jay sa labas pa lang ng selda.

Pinaalala namin na SOP na bago ipasok sa selda ang mga nahuhuli nila sumasailim sila sa ‘medical examination’, kung hindi, maaring tanggihan ito ng ‘warden’ ng kulungan.

Diretsahan naming sinabi na malabong manlaban si Jay lalo na’t alam naman nilang pulis ang sumasaway sa kanila…at kargado ng baril ang mga ito.

Ayon naman sa commander, “Eh yun na nga ho ang problema. Nakakita na ho sila ng naka-uniporme po, tapos ganun pa rin ho ang asal.  Kaya nga po kinasuhan natin yan.”

Sinabi naming ang reklamo nitong si Jay na binugbog siya ay binabase lang namin sa ‘Medico Legal Certificate’ na kanyang ipinakita sa amin kung saan pirmado ng isang Attending Physician nung ika-19 ng Hunyo 2014.

Mabilis na sagot ni P/Insp. Anicete, “Sir, kung yan man po ang nakalagay diyan, eh hindi naman po natin yan tinotolerate.”

Pinag-report na raw niya ang mga sangkot na pulis sa Presinto Tres. Pinaiwan pa raw niya ang baril nito ng papuntahin niya dun at sinabing sagutin niya na ang kung anong reklamo sa kanya. Nakasampa na raw ang kasong ito.

Magkaiba ang kwento nitong si Jay. Hindi naman daw sila dinampot ng pulis at sila ang nagreklamo sa presinto. Hindi nila akalaing dun pala  nakadestino ang nirereklamo nilang pulis, sinabi ni P/Insp. Anicete na mas magandang dinigin na lang ang reklamo ng magkabilang panig.

“Kaya nga ho yun ang proseso para makapag-file po siya ng reklamo, sinunod naman din ho natin ang mga patakaran natin,” pahayag ni Anicete.

Nilinaw ng commander na iba rin ang kulungang ng Station 3 sa Plaza Miranda. Kapag ‘under investigation’ tinu-‘turn over’ nila ito sa Station 3.

Pagdating naman sa P13,000 na kinukuha raw nitong si PO1 Bautista, tinanong na raw niya ang bagay na ito kay PO1 Bautista.

“Sabi ko, ‘O, bakit ganun?’. Sabi niya, ‘Sir, iba naman pong asunto yan. Bakit naman po namin kukunan ng pera yan?’” sabi ni Anicete.

Giit naman ni Jay, may pirmahan kaugnay sa perang ito nasa ‘blotter report’ sa General Assignment Division sa Headquarters.

“Inexplain niya raw dun sa general assignment sabi niya, ‘Bakit ko po ibabalik, di ko naman po kinuha’ ” wika ni P/Insp. Anicete.

Wala naman daw talagang nakuha ang kanyang pulis subalit para matapos na sinabi nitong bayaran na lang ang kalahati ng hinihinging halaga.

Sa ngayon, may kaso na raw kinakaharap itong si PO1 Bautista. Ang pagkakalaam din daw niya nagpadala na ng ‘subpeona’ ang General Assignment para sa kasong administratibo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, commander na mismo ng nirereklamong pulis ang nagsabi na hindi niya para konsintehin ang kanyang tao kung totoo nga lahat ng reklamo nitong si Jay.

Ang ating kapulisan ay dumadaan sa iba’t ibang ‘trainings’ bago pa maging isang ganap na pulis. Sa panahon ngayon hindi na basta-basta ang pagpasok sa Philippine National Police (PNP) at masasabi nating ‘well trained at indoctrinated’ na ang ating kapulisan subalit gaya ng sinabi ni P/Insp. Anicete iba-iba ang ugali ng tao. Kahit anong training kung likas na ganun ang ugali ng  isang parak ito ang nagiging problema sa kanilang organisasyon.

Hindi rin naman para kampihan namin itong si Jay dahil sa aming tingin sa paraan ng kanyang pakikipag-usap parang palaging galit. Hindi kaya baka ang akala ni PO1 Bautista ng siya’y sawayin ay nabastos siya.

Ang ating kapulisan ay ginagampanan lang ang kanilang tungkulin na panatilihin ang katahimikan at kaayusan (to maintain peace and order) sa ating kapaligiran. Ang pinagtataka rin namin dito kay Jay, bumaba pa siya sa Recto para lang sa balut? Posible kayang naghahanap sila ng ‘chicks’ at hindi sisiw ng balut kaya umabot sila ng ganun ka layo sa lalim ng gabi?

Hindi rin normal na dalhin ni Jay ang halagang P13,500 ng alanganing oras gayung ihahatid lang naman niya ang pinsan sa terminal ng bus.

Ang dahilan ni Jay sa amin kung bakit hindi niya iniwan sa bahay ang pera, natatakot daw siyang baka magkasunog at maabo ito.

Maraming butas ang kasong inilapit sa amin ni Jay. Ang kwento din naman ng mga pulis ay hindi ‘air tight’. Kung nanggugulo bakit hindi dinala sa presinto for ‘safe keeping’ hanggang mahimasmasan o sa barangay itinuloy. Maari rin naman nilang kinasuhan na ng diretso.

Hindi ganun ang nangyari. Sa presinto sila nagkita-kita ng hindi sinasadya.

Sa bandang huli, kami naniniwala na ang katotohanan pa rin ang mananaig. Hangad namin na lumabas ang katotohanan sa kasong ito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

ANICETE

BAUTISTA

JAY

NAMAN

NAMIN

NIYA

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with