COA kailangan ang isang ‘Henares’
KUNG inaakala nating mga taumbayan na agrabyado tayo to the max sa nabunyag na “pork scam” o malakihang pa-ngungurakot sa pondo ng bayan, mas matindi ang sakit ng ulo ng ahensiyang nangungulekta ng pondo para sa operasyon ng pamahalaan. Ang tinutukoy ko ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR).
Hindi nagsasalita si BIR Commissioner Kim Henares. Pero alam kong dismayado siya sa nalantad sa publiko na napunta lamang sa impok o savings ng iilan ang bilyong pisong pinagpawisang makulekta ng ahensiya para may magastos ang pamahalaan.
Ito pa ang nakakairita: May mga mambabatas na nag-apruba sa mga gugulin na mula sa nalikom ng BIR at sila rin daw ang nagbulsa sa mga pera! Grabe. Kaya pala ang bilis makalusot sa pagsusuri ay dahil agad-agad, may nag-aabang nang mga malalalim na bulsa.
Inilalagay ko ang katayuan ko kay Henares. Sa sobrang pagka-estrikto sa pangungulekta ng buwis, marami ang naiirita sa kanya. Kontrabida ang dating sa ilan nating kababayan. Pagkatapos, ang perang pinaghihirapang malikom ay nawawalan nang silbi.
Dapat magpasalamat sa BIR na pinamumunuan ni Henares ang mga ahensya ng pamahalaan na nababahaginan ng pondong nalilikom sa totohanang paghabol sa mga delinkuwenteng taxpayers, ordinaryo man o big time. Kung may magaling na tagahanap at taga-ipon ng pera na katulad ni Henares ay dapat magkaroon din ang pamahalaan ng magaling na tagabantay sa mga gumagastos sa mga nasinop ng grupo niya.
Kailangan din ang isang mala-Kim Henares na mamumuno sa Commission on Audit (COA) para matiyak na napupunta sa maayos at tamang gastos ang mga pondong mula sa kaban ng bayan. Puwede rin namang pag-aralan muna ang mga umiiral na alituntunin ng COA para talagang malaman natin kung may mga problema sa mga bahagi nito na hindi lamang nababanggit ng mga auditor.
Mabigat na obligasyon ang pag-iipon ng pera para sa gobyerno kaya kailangang sulitin talaga ito sa mga proyektong pinagkakagastusan sa pamamagitan ng isang tagabantay na kasing sigasig ni Kim Henares.
- Latest