^

PSN Opinyon

‘Mga Sisiw sa Selda’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA kagustuhang himigop ng mainit na sabaw mula sa balut… umugong ang tenga ng 37 anyos na lalaki… nabasag ang ‘eardrums’at tuluyan na umanong nabingi.

“Sa lakas ng palo ng tubo... nakalog ang aking ulo at nadali ang aking tenga…” pagsasalarawan ni ‘Jay’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Jerome Isada o “Jay, 37 taong gulang. Nirereklamo niya ang Pulis-Plaza Miranda na si PO1 John Pierre Bautista sa umano’y iligal na paghuli sa kanila ng pinsang si Jick Jarana, 26 anyos.      

Tubong North Cotabato, Mindanao si Jay. Namamasukan siya bilang gwardiya mula pa nung taong 2000 sa Maynila. Dito niya nakilala ang kinakasamang si Grace Deliva, ‘care taker’ sa isang ‘recruitment agency’. Meron na silang isang anak.

Pagre-recruit ng mga gustong mag-‘abroad’ ang pinagkakitaan nila Jay at Grace. Nakakakuha sila ng komisyon dito, maliit nga lang ang kita kaya’t naisip din ni Jay na magtrabaho sa labas ng bansa.

Inirekomenda si Jay ng pinsan niyang si Noel Cervania, 28 taong gulang na nagtatrabaho sa Saudi bilang Janitor.

“Kikita raw ako ng Php17,000 kada-buwan,” ani Jay.

Lalong naengganyo si Jay  kaya naman humingi siya ng tulong sa kapatid na si “Marjorie” na nasa Riyadh para sa perang kailangan sa pag-aasikaso ng mga papeles. Ika-9 ng Hunyo 2014, nagpadala ang kapatid ng Php20,000.

Ika-18 ng Hunyo alas-9 ng gabi, nagkita sila ng pinsang si Jick, la­king Pampanga. Niyaya niya itong mag-inuman sa bahay nila sa Padre Faura, Manila.  

Matagal silang ‘di nagkita kaya kahit ilang bote ng Red Horse ang nainom nila’t napasarap ang kwentuhan nila hanggang hating gabi.

Nag-aya ng umuwi si Jick kaya’t hinatid siya ni Jay sa terminal ng bus sa Doroteo Jose.  Habang nasa jeep nagsalita si Jay at sinabing, “Parang gusto ko kumain ng balut?” Pumayag  si Jick, “Tara…” sabay baba sa kanto ng Recto.

Wala raw silang balut na nakita kaya’t nagpasya silang dumiretso na lamang sa terminal ng bus papuntang Pampanga.

Patawid pa lamang sila ng kabilang kalsada, sa may stoplight ng may

sumitsit sa kanila, “Pssstt..psssttt…” sabi ng dalawang pulis na kinilala nilang sina PO1 Duran at PO1 John Pierre Bautista. Parehong  nakadestino sa Plaza Miranda PCP , PS-3 Central Market, Manila District.

‘Lumapit kayo dito!’ utos daw isang pulis. Lumapit sila, “Taga saan kayo?” tanong nito. “Taga Maynila ako sir, dito lang sa Ermita,” sagot ni Jay.

Kinapkapan  daw sila nito at pilit siyang pinosasan ngunit pumiglas si Jay.

“Teka sir, ano bang violation namin, baka anong ilagay nyo dyan?!” sabi ni Jay sabay suntok daw sa kanya ni PO1 Bautista sa bibig, dibdib hanggang likod. Nakakalas daw si Jay sa pagkakahawak nitong pulis at nakalayo sila.

Kumapa si Jay sa kanyang bulsa, napansin niyang wala na umano ang kanyang wallet na may lamang ng Php13,500 at cellphone, C3 Nokia Model.

Nanginig man sa takot at halos maihi ang dalawa, naglakas loob daw sina Jay na pumunta sa presinto sa tapat ng simbahan ng Quiapo.

Kaunti pa lang ang nasasalaysay ni Jay sa isang pulis, pumasok na sina PO1 Bautista sabay turo ni Jay, “Sila, sila iyong nananakit sa’min!” wika nito.

Pagkatapos bigkasin ni Jick ang mga salitang iyon pansin ang katahimikan sa loob ng prisinto. Agad silang dinala sa selda. Dito na raw pinagtatadyakan ni Bautista si Jay sa dibdib, ulo at pinasuntok pa umano ng isang tanod ng brgy.

Gamit ang isang tubo, pinukpok pa umano si Jay ng isang pulis na ‘di niya nakilala. Tinamaan ang kanang ulo ni Jay at nahagip din siya sa tenga. Umugong ang tenga ni Jay sa lakas daw ng pakakahampas.

Pagkatapos daw makatikim sa pulis, dinala sina Jay at Jick sa Ospital ng Maynila at saka nilipat sa Station III, bandang alas tres ng umaga (3:00AM). Sa solong selda katapat ng isa pang selda kinulong ang magpinsan.

Sumunod na gabi, Hunyo 20, dumalaw daw sa presinto si PO1 Bautista. Kinausap nito ang isang ‘cosa’ sa kabilang selda, kung tawagi’y “Mayor”.

Pinalipat sila kina Mayor na Castro raw ang pangalan. “May ins­peksyon si mayor”, wika ng isa. Pagkalipat nila bigla pinadapa si Jay at pinaghahambalos siya ng isang kahoy na hugis tubo sabay bigkas umano,“Utos ito ni Bautista”.

Tumigil lang sila ng nawalan na ng malay si Jay. Binalik sila sa seldang pinanggalingan. Nadinig ni Jay na may sumitang pulis sa mga bilanggo. “Sinong may gawa nito?!” sabi ng pulis na kinilala niyang si PO3 Ma­riñas. Sagot umano ulit ng mayor, “Utos to’ ni Bautista”.

Inasikaso ng misis ni Jay na si Grace paglabas ng asawa at pinsan nito. Sinampahan daw sila ng kasong Violation of R.O 844 (Breach of Peace), R.O 887 (Resisting Arrest), at Article 151 (Disobedience to Police Officers).

Pinagmulta raw sina Jay ng halagang P200 subalit pitong libo umano ang hiningi kay Grace ng piyansador. Wala raw resibo na ibinigay.

Pagkalabas nila sa prisinto nagsumbong na sila sa General Assignment,  MPD, dahil sa umano’y pambubugbog, nakuhang cellphone at pera na nagkakahalaga nang P13,500.

Hunyo 23, nang pinagharap sila ni Bautista at nangako daw na, “Oo, sige ibabalik ko na ang cellphone at pera.” Ika-27 ng Hunyo, muling nagharap ang dalawa. isang mumurahing cellphone at Php2,000 daw ang iniaabot ng pulis.

“Eto lang ang kaya ko, gipit ako wala na akong pera,” sabi raw nito.

Hindi tinanggap ni Jay ang ibinigay ni Bautista hanggang tumawad ang pulis na kahit kalahati na lang . Nagisip-isip at pumayag ang kampo ni Jay sa inalok ng pulis kasama ang pagpapa-CT SCAN ng ulo nito at tenga sa kanan.

“Lumabo ang paningin ko at ‘di ko na madinig ang dating alingasngas ng dyip sa kalsada dahil sa ginawa nilang pambubugbog!” sabi ni Jay.

Itinampok namin si Jay sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ.  (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN)

PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag, nakapanayam namin sa radyo si PInsp. Rommel Anicete, commander ng Plaza Miranda Precinct.  “Alam ko po ang tungkol sa kaso ni mister Isada,” ani Insp. Anicete.

ABANGAN ang kabuuang panayam namin kay Insp Anicete kaugnay sa kasong kinaharap nitong si PO1 Bautista sa LUNES, EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

 

 

 

BAUTISTA

DAW

HUNYO

ISANG

JAY

JICK

PULIS

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with