Sakit ng katawan
ITO ang pangkaraniwang problema ng karamihan: Kirot ng katawan, sakit sa ulo at kasu-kasuan. Ano ba ang solusyon dito?
1. Mainit o malamig na bag (hot or cold compress) – Para sa kirot ng kasu-kasuan, buto o likod, puwedeng gumamit ng mainit na bag at itapal ito sa masakit na parte ng katawan. Huwag naman sobrang init at baka mapaso ka. Katamtaman lang. Minsan pinagpapalit-palit ang mainit sa malamig, depende kung ano ang komportable sa pasyente.
Para sa nabugbog na parte, tulad ng ankle sprain o black eye, lagyan ito ng malamig na bag sa loob ng 24 oras para hindi lumaki ang pamamaga. Kahit sa mga kagat ng langgam o lamok, puwede rin ang malamig na bag (ice bag). Subukan ito.
2. Paracetamol – Akala ng iba ay para lang sa lagnat ang paracetamol. Mali po. Makababawas din ito sa kirot ng katawan, sakit ng ulo at kalamnan. Puwedeng uminom ng paracetamol kahit walang laman ang tiyan.
3. Mefenamic Acid - Para sa sakit ng katawan at pa-nanakit ng laman, puwedeng uminom ng mefenamic acid. Inumin lang ang tableta pagkatapos kumain, para hindi humapdi ang tiyan. Ngunit may posibleng masamang epekto ang mga gamot sa kirot sa kidneys. Limitahan lang ang pag-inom nito.
4. Aspirin – Katulad ng mefenamic acid, ang aspirin 325 mg ay mabisang lunas para sa migraine o sakit ng ulo. Halos pareho ang epekto nito sa mefenamic acid.
5. Umiwas sa mamahaling gamot – May mga doktor na nagrereseta ng mamahaling gamot para sa kirot ng katawan. Ang tawag dito ay mga Coxibs at nagkakahalaga ng mga 100 piso bawat tableta. Bukod sa mahal, ay mayroon ding pagsusuri na nagsasabi na may masamang epekto ito sa puso.
At para makatipid, puwede kayong bumili ng generics na gamot. Mabisa din ang mga generics.
Tandaan lamang na kapag hindi nawala ang sakit ng inyong katawan, mas maiging kumonsulta na sa inyong doktor. Good luck!
- Latest