EDITORYAL - Magpokus sa agrikultura
WALANG malinaw na sinabi si President Noynoy Aquino sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) na may kinalaman sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng agrikultura. Wala siyang magandang pinapangarap na sa darating na panahon ay uunlad ang bansang ito dahil sa mabunga ang agrikultura. Pawang ang kanyang sinabi ay patuloy na mag-iimport ng bigas ang bansa. Noong nakaraang Nobyembre 2013 ay nag-import ng 500,000 metriko tonelada ng bigas para ayuda sa numipis na supply dahil sa mga nagdaang bagyo. Noon daw nakaraang Pebrero taong kasalukuyan ay nag-angkat muli ang bansa ng karagdagang 800,000 metriko tonelada ng bigas bilang pampuno raw sa buffer stock requirement. At ngayong Hulyo, naaprubahan na rin daw ang importasyon ng 500,000 metriko tonelada ng bigas sa pamamagitan ng open bidding. Aangkat din ang NFA ng 500,000 metriko tonelada.
Ano ba ito, wala na bang lalabas sa bibig kundi pawang pag-angkat ng bigas ang gagawin. Hindi ba maaaring sabihin na hindi na mag-aangkat ng bigas ang bansa sapagkat pinauunlad na ang mga lupang sakahan. Hindi na aasa sa bigas na galing Thailand at Vietnam sapagkat binibigyan ng suporta ang mga magsasaka para makapag-ani nang mahusay na palay. Hindi na bibili ng bigas sapagkat isinasaayos na ang pagpapagawa ng mga patubig para ganap na mapakinabangan ang malawak na lupain. Hindi na maghahain ng imported na bigas ang mga Pilipino sapagkat sariling ani na ang kakainin. Hindi na magugutom ang bawat pamilya sapagkat may sapat na bigas na isasaing.
Pero hindi ganito ang nangyari sapagkat ang pananaw ay para lamang bumili nang bumili at hindi magpaganda nang ani. Sayang ang malawak at mayamang lupain na hindi napapakinabangan sapagkat walang ayudang ibinibigay para matamnan. Hanggang ngayon, ang mga sinasabing pagpapagawa ng irigasyon para sa mga lupaing umaasa lamang sa ulan o mga sahod-ulan na lupa ay wala pa ring pag-asang matutupad. Tubig ang numero unong kailangan ng mga palayan para mabuhay. Maraming magsasaka ang nakikipagsugal na magtanim sa mga sahod ulan na bukirin pero nasasayang lang dahil natutuyo ang mga palay. Ang resulta, marami ang nagugutom.
Ipokus ng gobyerno sa sector ng agrikultura ang kanilang atensiyon sapagkat dito maraming maki-create na trabaho. Sana bago matapos ang termino ni P-Noy, paunlarin ang sector na ito. Ito ang pipigil sa walang patid na pag-angkat ng bigas.
- Latest