‘Tiwala sa mga namumuno’
MATAGAL ko nang sinasabi at paulit-ulit na binibigyang-diin sa aking programang BITAG Live na napakahalaga ng tiwala. Hindi ito ipinagkakaloob, hindi nakukuha at hindi rin maaaring ilipat o sa salitang englis non-transferable.
Ang tiwala ay nakakamtan base sa nakikita at nararamdaman ng isang indibidwal, grupo o ng taumbayan ayon na rin sa sinabi o ipinangako ng isang lider o namumuno.
Nabanggit ni Pangulong Benigno Aquino III sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ang “trust” o tiwala. Para sa kaniya, napakalaking bagay na manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno sa kabila ng mga kontrobersiya partikular ang kawalang respeto at walang pakundangang pagwaldas sa kaban ng bayan.
Kung pamumuno ang pag-uusapan, sinsero at tapat sa kaniyang tungkulin si PNoy. Hindi siya kurakot. Nagkakaproblema lang siya sa mga taong nakapaligid sa kaniya na binigyan niya ng katungkulan at posisyon. Kaya kahit na may tiwala at respeto ang publiko sa pangulo kung nagkakawindang-windang at puro palpak naman ang kaniyang mga gabinete, naaapektuhan ang tiwala sa kaniya ng taumbayan.
Marami sa mga nanood at nag-antabay ng SONA ni PNoy na mapakinggan ang kaniyang resolusyon at suporta sa Freedom of Information Bill. Subalit, hindi ito binanggit ng pangulo na siya sanang magiging susi para manumbalik ang sinasabi niyang tiwala.
Sa pamamagitan kasi ng FOI Bill o kung maisabatas na at maging FOI Law, makikita ng taumbayan na magsisilbing mga “watchdog” kung saan napupunta at kung papaano ginagasta ang kaban ng bayan. Hindi naniniwala ang BITAG Live sa suhestyong magtatalaga nalang isang komite sa Kongreso na sisilip at magbabantay sa mga programa, aktibidades at proyekto (PAP) ng pamahalaan.
Dito nasira ang lehislatibo maging ang ehekutibo o sa mga proyektong kanilang inilunsad gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinasabi ni PNoy na “boss” nila ang sambayanan. Ibig sabihin, ang mga tao o tayo ang kanilang mga pinagsisilbihan. Marapat lamang na malaman at makita ng mga “boss” ang lahat ng mga nangyayari at kaganapan sa loob ng pamahalaan. Kaya para sa mga gabinete, kung hindi man sumang-ayon ang mga “boss” sa resulta ng inyong mga PAP, huwag kayong magsi-sentimyento. Ang hindi namin pagsang-ayon ay hindi nangangahulugang kumukontra o sumasalungat kami sa inyo.
Hanggat hindi naipapasa at naipapatupad ang FOI Bill, mahirap nang maibalik ang tiwala ni Juan at Juana Dela Cruz sa mga kasalukuyang namumuno. Hindi na rin magiging kapani-paniwala pa ang battle cry ng administrasyon na sa “Matuwid na Daan” o ang good governance,transparency, and accountability dahil nawalan na ng tiwala ang publiko sa mga nakaupo sa gobyerno.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest